K Brosas ayaw munang pasalihin ang anak sa mga beauty contest
PROUD mommy ang multi-talented singer na si Kakai o K Brosas sa kanyang 18-year-old daughter na kasalukuyang nag-aaral sa University of Santo Tomas na nasa ikalawang taon na sa kursong Communication Arts.
Kaya proud si K ay dahil mahilig din daw sa music ang anak at marunong tumugtog ng gitara at kasing tangkad pa niya kaya pwedeng-pwedeng maging beauty queen. “Hindi ako magiging hadlang kung ano ang gusto niyang gawin sa buhay, iisa lang ang hiling ko sa kanya, sabi ko, ‘anak, gusto ko makapagtapos ka ng pag-aaral.’ Awa naman ng Diyos, maganda ang grades ng anak ko,” sabi ng single mom singer-actress.
Inudyukan na naming isali na agad sa beauty contest ang anak habang bata pa, “Kalma lang, gusto ko munang magtapos siya ng pag-aaral dahil ang mga beauty queens ngayon mga degree holder na. May mga tinapos at matatalino, kaya kalma lang muna, nakausap ko na si Jonas (Gaffud, manager ng mga beauty queens),” paliwanag ni K.
Dagdag naman ni Cynthia Roque ng Cornerstone Talent Management, “Oo, kailangan talaga ang mga beauty queens ngayon kaila-ngang tapos, kita mo nga ‘yung huling contestant sa Miss Earth, napagtawanan ngayon, siyempre nakakahiya.” Nakita namin si K sa Kandle Café along Mother Ignacia Street, Quezon City noong Miyerkules ng hapon habang kausap ang Marketing head ng Cornerstone na si Cynthia para sa planning ng career ng singer.
Umalis na kasi si K sa Backroom na siyang nangalaga sa career niya sa loob ng 16 years at dalawang buwan palang siyang nasa Cornerstone. Siyempre ang unang tanong namin, bakit siya umalis sa Backroom? “Nagpaalam ako nang maayos kay Sir Boy (Abunda), in all fairness naman masaya siya for me kasi wala rin siyang maisip na puwede kong lipatan kundi ang Cornerstone. Naghiwalay kami nang maayos.
“Gusto ko lang ma-try ang iba, but in all fairness naman, 16 years na rin ako sa Backroom, it’s more on a personal reason, but not personal against Backroom. Basta ang importante sa akin, si Sir Boy, malaki ang utang na loob ko, ipinaalam ko sa kanya, alam ng lahat ng tao ‘yun, masaya siya for me at sabi niya ‘you can always call me,’” pahayag ni Kakai.
At ngayong bago na ang talent management niya ay ano naman ang ini-expect niya kay Erikson Raymundo na kilala bilang manager ng halos lahat ng magagaling na singers ngayon sa local music industry? “Ayokong mag-expect baka masaktan ako, charot!” biro ng singer.
Sa tanong namin kung may mga show pa siyang gagawin bukod sa regular siyang napapanood sa It’s Showtime bilang hurado sa Showtime. “Maraming naka-line-up sa abroad, kami nina Pokwang, Pooh sa San Diego ng August, tapos by October, five cities naman, may mga corporate shows,” sabi ni K.
May bago ba siyang teleserye? “Actually, may nag-offer sa akin ng soap, kaso hindi puwede kasi may Showtime na everyday, so hindi puwede. Mas gusto ko ang Showtime kasi mas more of me, ‘yun kasi ang strength ko, ‘yung live, impromptu.
“But I’m still hoping na mapasama pa rin ako sa serye, sa drama. Sabi ko nga sa Cornerstone, gusto kong mag-MMK (Maalaala Mo Kaya) ulit or Ipaglaban Mo, indie movies. Gusto kong makita o mapanood ng tao ang other side of me, the serious side of K Brosas,” aniya pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.