Direktor, staff ng ‘Probinsyano’ kinilabutan sa mga eksena nina Coco at Makmak tungkol sa mga bakla
TAWANAN kami nina direk Malu Sevilla nang makasalubong namin sa hallway ng ELJ Building ng ABS-CBN dala-dala ang makapal na script ng FPJ’s Ang Probinsyano noong Martes ng gabi.
May konek ito sa guesting ni Anne Curtis sa aksyon-serye ni Coco Martin na umabot din ng dalawang linggo. Nabanggit kasi ng direktor na akala niya ay regular na si Anne sa serye dahil medyo tumagal ang guesting ng TV host-actress.
“Akala ko nga mainstay na siya. Kasi ang tagal, tuwang-tuwa kami sa kanya kasi siya ‘yung buhay ng show, tawa nang tawa, tulog na kaming lahat, pati si Coco tulog na, si Anne kuwento pa nang kuwento, kaya naloloka sa kanya si Coco. Masarap katrabaho si Anne, walang dull moments,” kuwento ni direk Malu.
Marami pa raw magiging special guests sa Ang Probinsyano kaya malamang na tumagal pa nga ito hanggang next year, “Wala kaming alam, management naman ang nagsasabi sa amin, basta kami tuluy-tuloy lang ang taping,” katwiran ni direk.
Samantala, hindi na raw hand-to-mouth (tine-tape sa parehong araw) ang taping ng Ang Probinsyano dahil hanggang 2 a.m. lang daw talaga sila. Nabanggit kasi namin na tiyempo ang umeereng episodes ng serye sa mga kaguluhang nangyayari ngayon sa paligid, tulad ng madugong Orlando massacre kung saan maraming namatay at nasugatan na karamihan ay miyembro ng LGBT community.
Sumakto naman dahil ang episode noong Lunes sa Ang Probinsyano ay tungkol sa pagiging bakla ni MakMak na umamin na sa wakas sa bago nitong pamilya at sabi nga ni Cardo (Coco) sa kanya na walang masama sa pagiging bakla.
Sabi ni direk Malu tungkol sa taping nila, “Matagal nang hindi (hand to mouth), we practice na by 12 midnight pack-up na kaming lahat, the most is 2 a.m. para naman may pahinga ang lahat. Sa Dreamscape, we practice na maaga na kaming matatapos.”
At tungkol naman sa pagiging timely ng mga umeereng episodes, “Actually, kinilabutan nga kami, kasi nasasabay, hindi namin expected na sasakto ‘yung topic ni MakMak sa nangyaring shooting incident sa Orlando, Florida, sabi nga namin, ‘ano ‘to?’
“Kasi kung matatandaan n’yo, ‘yung nangyari naman sa Close-Up na may limang namatay dahil sa drugs na nilagay yata sa inumin nila, nasabay din du’n sa episode namin na about drugs. Actually, ‘yang drugs, mahabang usapin ‘yan, magtatagal pa yan sa amin, kita mo ‘yung umeere ngayon, sina Angelica (Panganiban) at Nikki (Valdez) na sangkot sa droga, di ba?
“Bago kami mag-shoot, humihingi kami sa PNP kung ano ang malaking balita nila at iyon ang ginagawa namin. Lahat ‘yan nire-research bago i-shoot,” sey pa ni direk Malu.
Samantala, thankful naman si direk Malu sa malaking suporta ng lahat sa serye dahil nga nanatiling number one ito sa primetime.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.