‘Kilig overload’ sa Born For You nina Janella at Elmo
NAPANOOD na namin ang ilang episodes ng bagong Kapamilya series na Born For You sa ginanap na celebrity at press screening nito sa Trinoma cinema 7 noong Sabado ng gabi at in fairness, nagustuhan namin ang kuwento.
Sabi nga namin sa Dreamscape Entertainment head na si Deo Endrinal, havey na havey ang tema ng Born For You at napangiti naman ang bossing ng Dos. Kakaiba ang red strings na gimmick sa serye na nag-uugnay sa mga karakter nina Elmo Magalona at Janella Salvador, base sa paniniwala ng mga tao sa Japan, may matandang Haponesa ang nagsabing totoong nangyari ito sa kanila.
Iikot ang kuwento ng Born For You sa bawat lyrics ng kanta na ang buod ay may konek sa destiny para sa mga bidang sina Kevin (Elmo) at Sam (Janella). Naalala tuloy namin ang pelikulang “Serendipity” nina John Cusack at Kate Beckinsale na ipinalabas noong 2001 na sa unang pagkikita pa lang nila ay may naramdaman na agad sila para sa isa’t isa.
Sa kuwento ng “Serendipity” ibinigay ni Kate kay John ang kanyang contact number na isinulat niya sa $5 bill na nilipad-lipad naman ng hangin. Ang $5 bill ang nag-uugnay sa mga karakter nina John at Kate sa movie habang ang red strings naman kina Elmo at Janella na kapapanganak pa lang nila ay nakatakda na raw sila sa isa’t isa.
Ganito rin ang paniniwala ng mga nakaranas na nito tulad ng mga magulang ni Janella sa kuwento na sina Bernard Palanca (Buddy) at Vina Morales (Cathy) na sa Japan din nagsimula ang relasyon kung saan sila nagso-show. Bongga ang pilot week ng Born For You dahil puro big scenes na agad ang mapapanood ng viewers, lalo na yung eksenang naglalakad sina Elmo at Janella sa Shibuya crossing sa Japan.
Cute ang first meeting nina Kevin at Sam sa Shibuya crossing dahil nakasabay ng dalaga ang matandang Haponesa na naniniwala sa red strings at nakita niya ang red strings ni Janella na patungo sa kay Elmo kaya sinabihan nito ang dalaga na makakabangga niya ang lalaking nakatakda para sa kanya. Kilig-overload ang tagpong ito kaya panay ang tilian ng fans na maswerteng nakapanood sa celebrity screening.
Pawang singers din ang nasa ang cast ng Born For You kaya masasabing musical-drama ang peg ng show. Hindi na rin kasi masyadong kinakagat ng mahihilig sa teleserye ang heavy drama, mas gusto nila ngayon ang light lang para hindi mabigat sa pakiramdam.
Mapapanood na ang Born For You sa Hunyo 20 kapalit ng The Story Of Us mula sa direksyon ni Onat Diaz handog ng Dreamscape Entertainment. Kasama rin dito sina Ayen Laurel, Gina Pareno, Ogie Diaz at marami pang iba.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.