PBB 737 Big Winner Jimboy matagal nang pangarap magbida sa ‘MMK’
PANGARAP ni Pinoy Big Brother 737 grand winner na si Jimboy Martin na makabili ng sariling bahay para sa kanyang pamilya kaya talagang nagsisikap siya sa buhay.
“Public land po (tirahan) kaya hindi namin alam kung paano saka nasa paanan po ng bundok, kaya nag-iipon po ako para pambili ng bahay at lupa namin,” sabi ni Hendrix Jim Balasoto Martin tunay na pangalan ni Jimboy na member na ngayon ng grupong Hashtags na napapanood sa It’s Showtime.
“Nasa bangko po ‘yung pinanalunan ko (isang milyon) kasi naghahanap po kami ng lupa para sa itatayong bahay namin sa Solano (Nueva Vizcaya),” sabi ng binatilyo.
Pero gusto rin ni Jimboy na magkaroon ng sariling bahay, “Gusto ko pong magkaroon ng dream house sa probinsya pa rin para malapit ako sa pamilya ko.”
Nakabili na rin ng sariling sasakyan si Jimboy na galing sa mga kinikita niya sa TV guestings at mall shows simula nu’ng nanalo siya sa PBB.
“Nag-ipon po muna ako bago ako bumili ng sasakyan kaya po ‘yung napanalunan ko, nasa bangko pa rin, pero bawas na kasi po binigyan ko rin ang mga kapatid ko, ipinagbukas ko sila ng sarili nilang bank account po,” kuwento pa ni Jimboy.
Inuna raw ng binatilyo ang sasakyan para raw may magamit siya sa trabaho at para may magamit din ang pamilya niya na dumadalaw ng Maynila dahil nga hindi na siya nakakauwi sa probinsya nila.
May napanalunang house and lot si Jimboy handog ng Camella Homes at kasalukuyang ginagawa na raw ito sa Bulacan, Bulacan.
At dahil big winner siya ng PBB at miyembro ng Hashtags ay tinanong namin kung ano na ang nabago sa buhay niya? “Siguro po nag-mature na ako nu’ng nasa bahay ako ni kuya, puro nasa isip ko noon na gusto kong maging ganito o ganyan, think positive po ako. Medyo nakikilala na po kasi dahil sa Hashtags,” sagot ng binatilyo.
Gustong maging inhinyero ni Jimboy, “Huminto po ako sa pag-aaral, first year college po ako Engineering sa amin (Nueva Vizcaya). Sana may pagkakataon na makapag-home study ako kasi pangarap ko talagang maging electrical engineer.”
Bukod sa pagiging electrical engineer ay planong magtayo ni Jimboy ng farm sa probinsya nila at mag-aalaga raw siya ng na mga pato dahil malakas daw mangitlog at mabenta raw ito.
Samantala, hindi na nag-audition si Jimboy sa Hashtags dahil nga galing siya ng PBB kung saan nakasama rin niya si Zeus Collins.
“Sabi ko po kay kuya Zeus, ‘sana sa labas magkaroon tayo ng grupo, tapos ganu’n nga po nangyari sabi ni direk Lauren (Dyogi) may binuo silang male group at kasali raw po ako kaya laking pasalamat kop o na kauy direk Lauren,” aniya pa.
Lahat daw ng miyembro ng Hashtags ay tsika ni Jimboy at ibinuking niya na may mga topak din daw ang mga ito pero hindi siya pumapatol.
At ang pangarap ng big winner ng PBB 737 ay, “Magkaroon po ako ng Maalaala Mo Kaya. Ang gusto ko pong maka-loveteam, kahit sino po kasi lahat meron na yata.”
Ano ang impresyon niya sa showbiz, “Ganito po pala ang maging artista kasi kapag napapanood sila, akala mo madali, pero doon sila nagkakamali kasi mahirap po, sobra. Pero kung ini-enjoy mo naman, hindi ka mahihirapan. Ako po, ini-enjoy ko pa naman ang ginagawa ko kaya hindi ako nahihirapan.”
Samantala, bilang pasasalamat daw ni Jimboy sa mga kababayan niya sa Nueva Vizcaya ay nagpakain siya roon noong umuwi sila, “Bilang pasasalamat po sa lahat ng pagod nila noong nasa PBB ako, kasi sila ‘yung mga bumoto sa akin at nagbigay ako ng share para sa mga kailangan nila sa barangay.”
As of now ay nag-iipon na raw si Jimboy para sa pagpapatuloy ng kanyang pag-aaral, pagpapatayo ng dream house niya at pati na rin ng kanyang pamilya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.