Angge ‘brain damage’ na; nawalan ng hangin sa ulo
NAKAKUHA kami ng update sa kundisyon ni tita Angge mula kay Sylvia Sanchez na 24 hours ding naka-monitor sa kalagayan ng kanyang manager at kaibigan.
Ayon kay Ibyang, “As of now, sabi ng doktor brain damage na si tita Angge kasi 20-25 minutes pala siyang nawalan ng hangin sa ulo tapos 5 minutes nawalan ng pulso, so delikado ‘yun.
“Malalaman namin bukas (ngayong araw) kung anong desisyon ng doktor, kasi kung itutuloy, magiging lantang gulay na si tita Angge at 24 hours siyang may bantay, mahirap kasi ‘yun,” sabi pa ng aktres.
Tinanong namin kung si Ibyang ba ang magdedesisyon kung anong kailangang gawin kay Tita A.
“Ay hindi ako ang magdedesisyon kasi may anak siya, si Imelda at may kapatid naman si tita A, so hindi ako, pero kung ako ang tatanungin nila, alam na nila kung ano ang desisyon ko,” katwiran ng aktres.
Noon pa pala inihabilin ni tita Angge kay Ibyang ang kanyang mga anak, na kapag nawala siya at hindi pa nakatatapos sa pag-aaaral ay ang aktres ang magpapatuloy sa pagsuporta sa mga ito. Sa ngayon isa na lang ang hindi nakakatapos.
Mahigit sa dalawang dekada nang magkasama sina tita A at Ibyang, mula pa noong mag-artista siya kaya ang usapan nilang dalawa ay, “Wala kaming iwanan at ang makakapaghiwalay lang sa amin ay kamatayan.
“Maski na nag-aaway kaming dalawa na hindi naman naiiwasan lalo na sa trabaho, hindi naman nagtatagal dahil after two days tatawag na ang isa sa amin at magtatanong kung hindi na mainit ang ulo, ganu’n lang kami.”
Tanda naming kuwento pa ni Sylvia, boyfriend pa lang niya noon si Papa Art Atayde ay manager na niya si tita Angge. Ilo-launch pa lang sana siya ng Seiko Films ay saka naman siya nag-asawa dahilan kaya naputol ang pagsikat noon ng aktres.
Galit na galit daw noon si tita Angge pero sa kalaunan ay tinanggap na rin ang desisyon ni Ibyang at naging parte na rin ng pamilya Atayde si tita A na laging kasama sa out of the country trip ng kanyang alaga. Ilan pa sa talents ni Tita A ay sina Smokey Manaloto, Lotlot de Leon at Maila Gumila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.