Martin may tampo sa produksiyon ng ASAP20?
Finally, nanalo ang ASAP20 noong Linggo sa ratings game matapos itong makakuha ng 14.6% sa national samantalang 13.7% naman ang Sunday Pinasaya ng GMA 7.
Kung tutuusin ay maliit lang ang lamang ng ASAP20 sa katapat na programa pero malaking bagay na ito dahil nabawi na nila ang korona na hawak nila ng ilang taon.
Napanood namin ang ASAP20 noong Linggo, parang ganu’n pa rin naman ang takbo nito, bukod sa ilang bagong segments? Sanay na kasi kaming makapanood ng bonggang production numbers sa show at halos lahat ng magaganda, guwapo at sikat na mga artista ay sa nasabing programa mo lang mapapanood bukod pa sa magagaling silang lahat.
Napansin namin, bago ang line-up ng main hosts dahil sina Piolo Pascual, Toni Gonzaga, Sarah Geronimo at Luis Manzano na ang nakita namin samantalang sina Gary Valenciano at Martin Nievera ay isang beses na lang namin napanood sa isang matinding production number.
Ibig sabihin ay hindi na sina Gary , Martin at Zsa Zsa Padilla ang main hosts sa ASAP20 o noong Linggo lang? Baka ito ang dahilan kaya tumaas ang ratings ng nasabing programa?
At may isyu pa bossing Ervin dahil may nag-forward sa aming fans ng tweets ni Martin na may koneksiyon sa isyu ng loyalty. Sabi sa tweet ni Martin, “Loyalty means nothing maybe it’s time.” Na dinugtungan pa niya ng, “Just in case, anyone is wondering, I too will be on ASAP. Sad no.”
Nagtanong kami sa mga taga-ASAP kung may issue ba kina Martin, Gary at Zsa Zsa pero hindi kami sinasagot sa text at tawag. Hanggang sa may nakausap kaming executive ng ABS-CBN, “Wala namang isyu, baka nagtaka lang si Martin na hindi sila ni Gary ang inilagay as main host last Sunday.
“Sinubukan lang sa opening kung okay pagsamahain sina PJ, Toni, Luis at Sarah, e, nag-click naman base sa ratings, so mukhang gusto ng viewers. “At sa pagkaaalam ko rin, wala namang isyu kina Martin at Gary.
Alam ko tanggap nila ang pagbabago ng line-up ng hosts. Let’s give chance to others kasi for how many years na rin naman sila naging main hosts , di ba?” sabi sa amin. Ano naman ang dating kay Zsa Zsa ng nasabing pagbabago? “Naku, Zsa Zsa is so cool naman, walang isyu rin.
Actually, walang issue at all.” E, bakit kaya may himig ng paghihimutok si Martin sa tweets niya tungkol sa loyalty? Anyway, hindi kasing galing nina Gary at Martin bilang hosts sina Piolo at Sarah pero marami naman silang fans at lahat ng projects nila ay talagang hit kasama na ang album.
Pero magaling na hosts sina Toni at Luis dahil maski walang cue cards ay kayang-kaya ng dalawang dalhin ang show at sa katunayan mas marami pa silang adlib sa show na gustung-gusto ng audience.
Tingnan na lang natin kung magtutuluy-tuloy ang pagbabagong-bihis na ito sa ASAP20?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.