Vhong: Ang trabaho sakit sa ulo yan, nakakatanda!
Sa nakaraang presscon ng “Buy Now, Die Later” na entry sa 2015 Metro Manila Film Festival inamin ni Vhong Navarro na talagang malaki ang nagawa ng AlDub para bumaba ang rating ng It’s Showtime.
Pero sabi ni Vhong hangga’t may nagtitiwala sa kanila patuloy silang magpapasaya at magpapaligaya ng viewers. “Kasi solid kami, e. Sabi ko nga, yung nakikita niyo sa kamera na para kaming naglalaro, totoo yun.
Naglalaro talaga kami kasi ini-enjoy lang namin yung trabaho namin. Kasi alam naman natin na minsan, ang trabaho, sakit ng ulo ‘yan, e. Nakakatanda ‘yan.
“Kaya kapag nagtatrabaho kami, ano lang tayo, magpasaya lang tayo. Bakit naman natin poproblemahin ang magpasaya, e, gusto natin ‘to? Kumbaga, off-cam, yun din kami.
“Kaya para sa amin, ang pagkakaiba lang off-cam, on-cam, may nakabukas na kamera, may nanonood. Off-cam, kami-kami lang. Depende kasi sa mga manonood e. Hindi naman po namin kontrolado sila, e.
“Ang sabi po namin, kung ano po ang maibigay namin sa kanila, mapapasaya sila o mapapaligaya sila, ibibigay po namin lahat,” sabi pa ng ko-medyante.
Samantala, isang seryosong Vhong Navarro ang mapapanood sa “Buy Now, Die La-ter” at sabi nga ng aktor ay ibang putaheng horror na naman ito na mapapanood at umaasa siya na sa tatlong horror films na entry ngayong MMFF ay sana mapansin sila tulad ng nangyari noong nakaraang taon sa “English Only Please” nina Jennylyn Mercado at Derek Ramsay na naging dark horse sa festival.
Ang producer ng “Buy Now, Die Later” ay ang Quantum Films na siya ring producer ng “English Only Please”.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.