Korina ipinagtanggol sina Daniel at Kathryn sa Bashers
MAAGANG nagpa-Christmas and Thanksgiving party sa entertainment press ang mag-asawang Mar Roxas at Korina Sanchez sa Novotel Hotel, Cubao noong Mi-yerkules ng gabi na may titulo pang “Paskong Matuwid”.
Nagpasalamat si Mar sa asawang si Korina (kasama ang Rated K staff at publicist nitong si Chuck Gomez) dahil dalawang buwan daw itong inasikaso at ini-schedule para personal na mapasalamatan nila ang showbiz press na tumutulong sa kanila.
Bahagyang nagkuwento si Koyang Mar ng mga insidente kung paano niya nakilala ang ibang entertainment press noong wala pa siya sa mundo ng pulitika. Hindi man nabanggit lahat ng pangalan ng esposo ni Korina ang showbiz press ay nagpasalamat siya sa extended tulong sa kanyang wifey.
Samantala, simple pero rock ang naging pa-party ng mag-asawa, may pa-raffle at singing contest pa for the members of the press.
Walang pinag-usapang pulitika sa event at maski na anong pilit kapanayamin ang dating DILG Secretary ay hindi siya nagpaunlak at si-nabing magsaya lang ang lahat at walang pulitika.
Bagama’t walang usapang pulitika ay nabanggit na ng Rated K host ang tungkol sa mga kaliwa’t kanang batikos kina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo na tumanggap daw ng malaking halaga para iendorso si Mar bagay na pinabulaanan ng wifey ng tatakbong pangulo ng bansa sa 2016.
Base raw sa ginawang study, 80% ang pumabor at nagkomento ng patas sa pag-endorso ng KathNiel kay Mar at 20% lang daw ang puro negatibo ang sinabi. Inasahan na rin daw nila na may mamba-bash sa KathNiel lalo na sa social media ngunit mas naniwala sila na malaki ang maitutulong ng mga bida ng seryeng Pangako Sa ‘Yo sa kandidatura ni Mar.
At sa launching ng Christmas music video na kinompows ng mga alaga ni Arnold Vegafria na sina Billy Crawford, Kris Lawrence at Jay R ay ipinakita na rin kung sinu-sino pang kilalang celebrities ang susuporta kay Mar, sa pa-ngunguna na nga nina Daniel at Kathryn, Karylle, Melai Cantiveros, Jason Francisco, Ramon Bautista, ang stand-up comedian na si Lassy, Camarines Sur Rep. Leni Robredo at marami pang iba.
Nakita rin namin sa Christmas party sina Laguna Vice-Governor Dan Fernandez, 6th District of Quezon City Rep. Alfred Vargas na kumanta with the band kasama si Mar (To Love Somebody). Inialay pa nila ang kanya kina Regal Matriarch Lily Monteverde at Ms. Korina.
At siyempre, hindi rin pumayag ang lahat na hindi kumanta si Korina kaya talagang may I sing ang Rated K host ng “Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko”. Maraming nagulat dahil maganda pala ang timbre ng boses ng misis ni Mar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.