Miles, Julia susunod sa trono nina Juday at Claudine
Bestfriends in real life sina Julia Barretto at Miles Ocampo kaya hindi sila ma-gagawan ng intriga in terms of acting at ganda dahil hindi nila ito papatulan.
Parang wala rin namang dahilan para gawan ng isyu ang dalawang bagets dahil hindi naman iisang lalaki ang type nila, hindi naman mahilig si Miles sa gimik at higit sa lahat, wala namang isyung kinasasangkutan ang dalaga kaya magkaiba sila ng imahe.
Hindi alam nina Julia at Miles ang salitang KUMPETISYON dahil good friends nga sila. “Sobrang close po kami ni Julia. Ang hirap po magpigil ng tawa lagi kapag magka-eksena kami lalo na kapag sobrang saya naming dalawa.
Pero kapag ‘yung mga eksena po intense na, talagang intense kaming dalawa. Hindi kami nagpapansinan. Actually, ‘yun po ang maganda sa amin ni Julia, talagang nagtutulungan kami,” sabi ni Miles.
Mas nauna ng ilang taon si Miles sa ABS-CBN kesa kay Julia at aminado itong minsan ay naaapektuhan din siya kapag may bagong mukha siyang nakikita sa ABS-CBN kaya naman nu’ng ialok sa kanya ang And I Love You So ay talagang na-excite siya.
“Dumating din naman po ako sa point na ayaw ko na, parang ang tagal-tagal na. Pero mabait si Lord. Binibigay ni Lord ang gusto mo. ‘Yun lang naman ang kailangan, patience lang and pray ka lang ng pray. Darating din po ang time,” ani Miles.
Hindi naman nakalimutang pasalamatan ni Miles ang mga supporters niya na mula noon hanggang ngayon ay nandiyan pa rin para sa kanya. “Nakakatuwa naman po sila kahit noong before pa, nu’ng puro sitcom po ‘yung ginagawa ko, sobrang dami ng suporta nila.
Ngayon, iba na ang gagawin ko. Simula nung nakita nila ‘yung trailer namin, nakakatuwa na marami akong natanggap na mga positive feedback mula sa mga tao,” sabi ng batang aktres.
At sa tanong na sina Julia at Miles daw ang pwedeng ikumpara kina Claudine Barretto at Judy Ann Santos, parehong flattered ang dalawang bagets. “Nakakatuwa naman po siyempre na mahalintulad kami kina Ms. Judy Ann o kaya kay Ms. Claudine, pero siyempre, napakalayo na po ng narating nila and kami po with this show po ay maipapakita namin kung ano ‘yung kaya naming ibigay, so sana po kung ano po ‘yung gusto nilang makita sa amin ay maibigay namin,” sabi ni Miles.
Sabi naman ni Julia na pamangkin ni Claudine, “It’s something very flattering but, ang hirap isaulo no’n kasi, you don’t want to pressure yourself to meet that kind of expectation. Miles and I, we are always doing our best naman na ma-meet namin ‘yung expectation.”
Anyway, may mga narinig pa kami sa grand presscon ng And I Love You So, “Ang ganda ni Miles ngayon, ah. Hindi nga, bakit siya gumanda ng ganyan?” ang nasabi ng isang entertainment writer.
Katwiran naman ng taga-StarMagic, “Siyempre po, dalaga na, nag-debut na siya kaya nagma-mature na.” Makakasama nina Miles at Julia sa And I Love You So sina Inigo Pascual, Francis Maguindayao at ang PBB 737 ex-housemate Kenzo Gutierrez na napabalitang naging boyfriend noon ni Julia.
Mapapanood na ang And I Love You So sa Dis. 7 kung saan makaka-join din sina Angel Aquino, Dimples Romana, Nikki Valdez, Dante Rivero, Jay Manalo at Tonton Gutierrez at Benjie Paras, sa direksiyon nina Onat Diaz at Jon Villarin under Dreamscape Entertainment.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.