Wenn Deramas sa baguhang gay comedian: Pasisikatin kita!
MATAGAL nang viral ang mga video ni Dyosa Pockoh sa social media pero dedma lang kami dahil feeling namin nagpapapansin lang siya dahil sa mga caption niyang gandang-ganda sa sarili.
Pero dahil sa mga nakakatawang video niya ay napansin siya ng katoto at talent manager na si Ogie Diaz. Una naming nakilala nang personal si Dyosa pagkatapos naming dumalo sa presscon ni Liza Soberano na alaga rin ni Ogie.
Katuwaan lang daw ni Dyosa ang pag-a-upload niya ng videos na ikinaloka niya nang umabot na sa one million views ang isa sa mga ito. May day job si Dyosa, nagde-design siya ng mga damit na hindi naman daw kalakihan ang kita at mahilig din siyang sumali sa contest pero lagi siyang umuuwing luhaan.
“Naalala ko sa gay beauty contest, ginaya ko si Anne Curtis, pero may nauna na kaya bigla akong naging Pokwang look-alike,” ani Dyosa. Kaya pala sa presscon ng “Wang Fam” ay marami ang nakapansin na kahawig ni Dyosa si Pokwang at talagang niloloko siya dahil sinadya raw ng komedyante na gayahin ang itsura ni Mamang.
Anyway, kuwento ni Dyosa kung paano siya napasok sa showbiz, “Tinawagan ako ni Tito Ogie, kung gusto ko raw mag-artista kasi naaaliw daw siya sa mga videos ko. Noong una akala ko poser! Until nag-extra ako sa Home Sweetie Home at nag-message ako sa kanya.
“After ni tito Ogie, si Direk Wenn Deramas naman, ‘Hoy Dyosa gusto mo bang mag-artista kasi naaliw ako sa mga video mo.’ Ganoon ang sabi niya sa akin sa FB at ang sagot ko sa kanya, ‘Talaga po? Sure po ba, kayo po iyan?
“Kasi di ko ma-imagine na Direk Wenn ‘yun. Tapos ibinigay niya ang number niya, ‘O tawagan mo ako ngayon.’ Kinabukasan, pinapunta niya na ako sa shooting ng ‘Wang Fam’. Nagulat ako siyempre, first movie, e. Tsaka nakakaloka dahil si Tito Ogie tsaka si Direk Wenn, wini-wish ko lang ‘yun dati.
“Sabi ko kung papasukin ko ang showbiz, gusto ko i-handle ako ni Tito Ogie, ‘tas mahilig ako manood ng mga movie ni Direk Wenn kasi mahilig ako sa mga co-medy film. So sabi ko, sana ma-idirek naman ako ni Direk Wenn, parang ilusyon lang. Hindi ko akalain na matutupad pala ang mga wish ko.
“Nag-thank you ako sa kanya (direk Wenn) dahil ginawa niya akong extra sa pelikula. Sabi niya sa akin, ‘Gaga! Hindi ka extra dito! I-introduce kita, pakikilala kita, pasisikatin kita! Kaya sobrang blessing talaga, thank you Lord dahil ginamit niya si Direk Wenn at si Tito Ogie para sa pangarap ko.”
Ang tunay na pangalan ni Dyosa ay Francis Suayan at taga-Lemery, Batangas. Kay Anne Curtis daw niya nakuha ang pangalang Dyosa na titulo ng teleserye noon ng aktres sa ABS-CBN.
Alaalang kuwento pa ni Dyosa, noon daw ay may mga nag-iimbita na raw sa kanya sa mga show sa Batangas at kapag tinatanong daw siya kung magkano ang talent fee niya, ang parating sagot niya, “Kayo na po ang bahala.”
May nagbibigay daw sa kanya ng P300, “Dyusko, kulang na kulang sa pamasahe at make-up ko, gusto ko ngang tanungin baka nagkamali lang ng abot kasi magka-kulay ang isang daan at isang libo ngayon, baka akala tatlong libo ang inabot, e, tatlong daan lang pala.”
Ngayong may manager na si Dyosa Pockoh ay tumaas na raw ang talent fee niya at nakakapag-abot na rin siya ng pera sa nanay niya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.