Sylvia Sanchez wagi sa Gawad Amerika Awards 2015
“Balang araw, isa ako sa lalakad diyan, tatanggap din ako ng award (red carpet ng Hollywood).” Ito ang tumatawang sabi ni Sylvia Sanchez noong nagpapa-pictorial kami sa mismong malaking hagdanan ng Dolby Theater Hollywood, Los Angeles California USA noong Dis. 12, 2014.
Siyempre suntok sa buwan ang pagkakasabing iyon ni Ibyang sa amin noon dahil paano nga naman siya lalakad sa malaking hagdanang iyon, e, wala naman siyang pelikulang kasali sa Oscars na roon ginagawa taun-taon.
Pero nagdilang-anghel nga ang aktres dahil wala pang isang taon ay heto at inimbitahan siya ng Gawad Amerika Awards para tanggapin ang tropeong Most Outstanding Filipino Performer In Film and TV para sa pelikulang “The Trial” at Be Careful With My Heart sa Nob. 7, 2015.
Nagtatalon sa tuwa si Ibyang dahil bagama’t hindi mismong sa Dolby Theater gaganapin ang awards night ay red carpet din ang dadaanan ng aktres sa venue na Celebrity Center, Hollywood, California.
Siyempre natuwa kami para kay Sylvia dahil natupad ang isa sa mga pangarap niya at sino bang mag-aakalang mangyayari iyon agad-agad? Mas matutuwa nga sana kami kung lahat ng kasama ni Ibyang noong nagpa-picture sa grand stairs ng Dolby Theater ay kasama rin niyang aalis sa Nob. 6, Biyernes.
Ha-hahaha! Sabi nga ng aktres, “’Yung pangarap ko, matutupad na sa 7. Yahoooo! Katuwa. Lahat yata ng sinasabi ko, nagkakatotoo in God’s time.” Oo naman, dati tinatanong niya ang mga kaibigan niya kung sakaling papasok sa showbiz ang panganay niyang si Arjo Atayde ay mapapansin kaya? Heto at pansin na pansin na dahil maraming nagagalit kay Arjo bilang kontrabida ni Coco Martin sa FPJ’s Ang Probinsiyano na napapanood gabi-gabi sa ABS-CBN.
Pagkalipas ng ilang taon nang makatapos ng kolehiyo ang ikalawang anak ni Ibyang na si Ria Atayde na bata pa ay gustung-gusto nang pasukin din ang mundo ng ina at kuya ay muling nagtanong si Sylvia kung may puwang sa showbiz ang anak.
Sinabi naming puwede naman dahil maganda si Ria, hindi palang namin alam kung ano ang kakayahan niya sa pag-arte at sinabi rin naming puwede siyang maging kontrabida kasi nga mestiza looking siya na kadalasang nagiging role sa serye ay mean girl.
Nabanggit pa naming bagay kay Ria ang maging TV host kasi nga very articulate siya, pero mas gusto raw ng anak niyang umarte at sundan ang yapak ng kuya at mama niya. Pero heto, muling natupad ang pangarap ni Ibyang, artista na si Ria bilang si Teacher Hope sa Ningning at sinasabi ng nanay niya na wala siyang kinalaman sa pagpasok ng anak sa nasabing serye kung saan kasama rin siya bilang si Mamay ni Jana Agoncillo.
Nakakatuwa kasi wholesome kaagad ang role ni Ria at hindi siya kontrabida dahil guro siya ni Ningning. Kaya naman abut-abot ang pasasalamat ni Ibyang dahil halos lahat ng hinihiling niya ay natutupad.
MAY itinatago palang laruang sanse at sandok itong si Jana “Ningning” Agoncillo sa kanyang shorts. Yes bossing Ervin, tawang-tawa kami nang ikuwento sa amin na ito palang si Ningning ay laging naka-shorts maski nakabestida at iniipit daw niya sa shorts niya ang sanse at sandok na security blanket niya.
Paggiling na raw ang kamera ay isinusuksok ng bagets sa shorts niya ang mga laruan at pagkatapos ng take ay ilalabas niya ang mga ito at naglalaro ng lutu-lutuan.
Kapag walang eksena si Ningning sa taping ay nasa stand by area (tent) lang ang bagets at naglalaro ng lutu-lutuan. At dahil kumuha ng baking course si Ria Atayde, ang gumaganap na Teacher Hope sa Ningning, ay nakikipaglaro rin ito sa bagets.
Tinanong namin si Ria tungkol dito, “Yes tita Reggs, Ningning kasi pala loves to cook, maski na walang taping, ito raw ang nilalaro niya sa bahay nila.
Kaya ako, nagdala ako ng microwave oven para makapagluto kami ng cake at nakakatuwa kasi talagang interesado siya, siya pa nga ang nagyaya na after takes namin, madaling matuto si Ningning.”
Kaya ang mga kasama raw ni Jana sa Ningning ay puro lutu-lutuan ang ibinibigay na regalo sa kanya. So, alam mo na bossing Ervin paglaki ni Jana kung anong kurso ang kukunin niya at malay mo, maging tanyag na chef siya pagdating ng araw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.