Voice Kids champion Elha balak magpatayo ng sariling resto
“SOBRANG nagpapasalamat po ako sa lahat ng tumulong para manalo si Elha, sobrang saya po talaga namin. Lahat ng makakaya niya ibinigay niya, talagang pinaghandaan po niya ang laban.”
Ito ang masayang sabi ng ina ng batang nanalo sa The Voice Kids 2 na si Gng. Lucy Nympha. Sa panayam ni Jeff Fernando ng Umagang Kay Ganda sa ina ni Elha kung magtitinda pa rin sila ng banana cue ng anak sa estado nila ngayon, “Kung puwede po sana,” maiksing sagot nito.
At nang si Elha na ang tanungin kung nakaramdam siya ng kaba habang kinakanta ang winning song na “Ikaw Ang Lahat Sa Akin”, “Sobrang kinakabahan po ako kasi siyempre performance po iyon.
Pero mas kinabahan po ako sa announcement po kasi siyempre hindi ko pa po alam kung sino ang mananalo,” masayang sabi nito.
Sa tanong kung anong gagawin niya sa napanalunang isang milyong piso, “Wala po, iipunin ko po iyon para kung may kailangan kaming bilhin o sakuna po, iyon po gagamitin po namin.”
Magtitinda pa rin ba siya ng banana cue, “Opo, balak ko pong magtayo ng restaurant na may banana cue po,” mabilis na sagot ng bagets.
In fairness bossing Ervin, hindi iiwan ni Elha kung saan siya nagsimula, kaso paano na kung lilipat na sila ng tirahan, paano na ang mga kapitbahay niya na nagkaisang tumulong sa kanya nu’ng umpisa pa lang para makarating siya kung nasaan man siya ngayon?
Ang komento naman ng coach ni Elha na si Bamboo, “Sobrang masayang-masaya ako para sa kanya, look at her smile, the voice to back it up, amazing talaga.
We worked well, madali siyang turuan, madali siyang kausapin. She has a good heart, good kid, the people around her are good people, as well, her mother. That’s a sign of good things at all.”
At kung kinakabahan si Elha habang nagpe-perform sa entablado ay mas kabado raw si coach Bamboo, “I was nervous, kinakabahan ako, mas kinakabahan ako sa sasabihin ko what to tell the people. I’m happy at all, I was emotional (habang nasa stage).”
Samantala, sobrang lakas ang ulan habang nanonood kami ng finals ng The Voice Kids 2 noong Linggol pero hindi ito naging hadlang para hindi namin marinig ang hiyawan ng buong kapitbahay namin ma- tapos tanghaling winner si Elha.
Maging ang mga sales staff ng kilalang drug store at convenience store sa amin ay maka-Elha rin pala.
Simula sa blind audition ay nasubaybayan namin ang journey ni Elha at oo nga, si coach Bamboo lang ang umikot para sa banana cue kid at hindi naman siya nagkamali dahil ang batang ito ang nagbigay ng unang champion para sa Kamp Kawayan.
Halos lahat ng performance ni Elha para sa amin ay perfect, ke Tagalog o English songs ay kaya niyang kantahin. Marami kaming nabasang nagpoprotesta kung bakit si Elha ang nanalo at bakit hindi raw si Esang o kaya ay si Reynan.
Simple lang, may kayang gawin si Elha na hindi kinayang gawin nina Esang, Reynan at Sassa. Bagama’t nabanggit ni Elha na hindi niya gagalawin ang P1 milyong napanalunan ay sigurado naman na siya sa kanyang pag-aaral dahil meron pa siyang P1 million trust fund.
Meron na rin silang bagong bahay mula sa Camella Homes worth P2 million at sigurado na siyang may singing career dahil may recor- ding contract na siya sa MCA Music, bukod pa sa music instrument package at may Isuzu service utility vehicle na magagamit nilang pamilya kapag may lakad.
Congrats Elha, sana hindi lumaki ang ulo mo kapag sumikat ka na.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.