HINDI magkamayaw ang mga babaeng fans ni Alden Richards, ang sikat na sikat na ipinapartner kay Nicomaine Dei “Maine” Medoza o mas kilala bilang Yaya Dub, matapos siyang mag-guest at maging judge sa “Bb. Niyogyugan Festival 2015” sa Quezon Convention Center, Lucena City kamakailan.
Maraming fans ang nakalusot pa sa kurdon at mga security personnel at talagang niyakap, pinaghahalikan at naki-selfie sa binata.
Hindi naman sila binigo ng gwapong leading man ng kalyeserye ng Eat Bulaga, at game na game na nakipag-selfie siya sa mga halos himatayin na mga fans dahil sa sobrang kinilig.
“This is the most riotous crowd we’ve ever handled. Grabe” sabi ng isang beteranong security guard. Kinailangan pang magtawag ng dagdag na seguridad upang mapigilan ang ibang fans na dumugin sa stage ang young actor.
Naimbitahan si Alden sa patimpalak na ito nina Quezon Gov. David Suarez at ang kanyang nakatatandang kapatid na si Jenny Suarez-Lopez upang maging bisita.
Hinarana ni Alden ang 21 na naggagandahang kalahok na halos hindi na marinig dahil sa tilian at sigawan ng mga fans.
Sa stage ay binigyan ni Alden ng mga halik sa pisngi ang ilang dalaga na talagang ikinakilig ng mga ito.
Isang lolo naman ang sobrang nagpasalamat sa young actor ng nag “pa-bebe-wave” ito sa kanyang apo na buhat-buhat niya sa kanyang balikat. Anya, palagi raw niyang sinusubaybayan ang kwento nila ni Yaya Dub.
Si Alden ay isa sa mga bagong host ng Eat Bulaga, samantalang si Yaya Dub ay sumikat sa kanyang mga “Dubsmash”.
Naging parte si Yaya Dub sa “Juan For All/All For Juan” segment ng longest running noontime show. Sila ay aksidenteng pinagtambal noong nalaman ng staff na crush talaga in real life ng Reyna ng Mga Dubsmash si Alden Richards.
Kinagat naman ito ng mga manonood at instant sikat sila at araw-araw ay nagiging trend ang istorya nila sa tinatawag na Kalyeserye sa Eat Bulaga. Nagdiwang ang AlDub ng kanilang “monthsary” noong August 13. Isa sa mga pinakaaabangan ng mga tao ngayon ay kung kelan talaga pormal na magkakasama ang dalawa. Abangan ang kilig-seryeng ito tuwing hapon sa GMA 7. – Isinalin sa Filipino ni Djan Magbanua
MOST READ
LATEST STORIES