TILA mauuwi sa wala ang planong pagpapatayo ng makabagong training center para sa mga pambansang atleta sa lupaing pag-aari ng Clark International Airport Corporation (CIAC).
Ito ay matapos ibunyag ni Philippine Olympic Committee (POC) president Jose Cojuangco Jr. ang biglaang paniningil ng CIAC ng upa para sa 50-ektaryang lupain.
“Akala ko ay tapos na at nag-agree na ang lahat sa mga naunang napag-usapan. Pero sa ipinadala na MOA (memorandum of agreement) ay nakasaad dito na kailangang magbayad ng P150,000 per hectare na gagamitin sa Clark,” wika ni Cojuangco sa lingguhang POC on Air radio program.
Aabot sa P7.5 milyon ang kailangang ibayad sa CIAC kada taon bilang renta.
Nagulat si Cojuangco dahil sa mga naunang pagpupulong nito sa CIAC ay inakala niya na pumayag na P1 milyon kada taon lamang ang ibabayad para sa renta.
“Maaaring ito ang singil nila sa mga negosyante pero ang mga makikinabang dito ay ang ating pambansang manlalaro. Wala na ba silang (CIAC) sense of patriotism?” banat pa ni Cojuangco.
Nangangailangan ng bagong pasilidad ang mga atleta dahil luma na ang Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Maynila at napapaligiran pa ito ng polusyon at ingay.
Mismong sina Cojuangco at Philippine Sports Commission (PSC) chairman Ricardo Garcia ay bumisita na sa sinisipat na lupain kasama ang mga CIAC officials at mga mambabatas na sina Rep. Anthony Del Rosario at Rep. Joseller “Yeng” Guiao.
Nangyari ito noon pang Marso ngunit malapit nang matapos ang taong 2015 pero hindi pa rin umuusad ang usapin at posibleng hindi matuloy dahil sa bagong gusot.
Dahil sa nangyayaring pabago-bago sa usapan ay sinisipat ni Cojuangco na palawigin ang paggamit sa Teachers’ Camp sa Baguio City.