San Beda nakalusot sa San Sebastian; EAC taob sa Lyceum

Mga Laro Ngayon
(The Arena)
2 p.m. Mapua vs Letran
4 p.m. Arellano vs St. Benilde
Team Standings: Letran (7-1); San Beda (7-1); Perpetual (6-2); JRU (5-3); Arellano (4-3); Mapua (4-4); St. Benilde (2-6); San Sebastian (2-7); EAC (2-7); Lyceum (2-7)

GAMIT ang kanilang championship experience ay naisantabi ng San Beda ang pagbangon ng San Sebastian mula sa malaking kalamangan para angkinin ang 92-81 panalo sa 91st NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.

Nakita ang 19 puntos  na kalamangan, 74-55, ay naglaho nang nakadikit ang Stags sa isa, 80-79, sa huling 3:40 ng labanan, sinandalan ng Red Lions ang kanilang set plays para kay Ola Adeogun at depensa upang maitabla ang sarili sa nangungunang Letran sa 7-1 karta.

Sina Adeogun, Dan Sara, Ryusei Koga at Arthur dela Cruz ay nagtulong para ilarga ang 12-2 palitan matapos ang paglapit sa isang puntos ng Stags para sa tagumpay.

May 28 puntos at 12 rebounds si Adeogun habang si Dela Cruz ay may 13 puntos at apat dito ay ibinagsak niya sa endgame run.

Si Ryan Costelo ay mayroong 18 puntos habang sina Michael Calisaan at Jamil Ortuoste ay nagsanib sa 30 puntos. Ngunit parehong na-foul out sa laro ang dalawa sa mahalagang tagpo ng laro upang manlamig ang Stags.

Magkasunod na buslo nina Dan Sara at Ryusei Koga ang nagtulak sa Red Lions sa 84-81 pero tumugon si Ortuoste ng jumper at nagkaroon si Costelo ng pagkakataong ilapit pa sa isa ang koponan sa sumunod na play.

Pero dinepensahan siya ni Adeogun para sumablay siya bago tinapos ng five-time defending champion ang laro gamit ang 8-0 bomba.

Nagpasikat naman sina import Victor Nguidjol at Joseph Gabayni sa huling yugto para pangunahan ang Lyceum sa 69-55 panalo sa Emilio Aguinaldo College sa unang laro.

Nagsanib ang mga malalaking manlalaro ng Pirates sa 11 puntos sa ikaapat na yugto para pagningasin ang 20-12 palitan upang makawala matapos dumikit ang Generals sa anim na puntos, 43-49, sa pagtatapos ng ikatlong yugto.

Ito ang ikalawang sunod na pagkatalo ng Generals matapos ang dalawang dikit na panalo para wakasan ang kampanya sa first-round elimination kasama sa huling puwesto sa 2-7 baraha.

Read more...