NAGSOLI ng P100,000 cash ang 24-na-taong-gulang na cashier sa isang convenience store sa Iloilo City na kanyang natagpuan sa loob ng isang pampasaherong jeepney kahapon ng umaga.
Sinabi ni Apple Jean Pineda, residente ng Barangay Rizal Estanzuela, na hindi siya nagdalawang isip na ibalik ang pera.
“Much as I could use the money, it was not mine and I didn’t work for it. So I had no doubts on returning it,” sabi ni Pineda.
Idinagdag ni Pineda na nakasakay siya ng jeep na biyaheng Jaro-Liko sa La Paz District at pauwi na ng bahay nang makita niya ang isang transparent envelope na may pera sa loob.
Aniya, tinanong muna niya ang limang iba pang pasahero kung kanila ang envelope at pagkatapos ay sinabihan na ang driver na si Randy Dakinay.
May pangalan ang envelope bagamat wala namang itong contact number. Nagdesisyon siyang iturnover ito sa GMA network kung saan sinamahan siya ni Dakinay.
Pumunta ang isang negosyanteng babae sa istasyon para kunin ang pera. Ayon sa babae, idedeposito sana niya ang pera.