NAILABAS uli ni Remy Morada ang itinatagong galing para tulungan ang Emilio Aguinaldo College na putulin ang pitong sunod na panalo ng Letran sa kanilang pagkikita nitong nakaraang linggo.
Tumapos si Morada bitbit ang season-high 18 puntos bukod sa 10 rebounds at siya ang namahala sa paglayo ng Generals sa huling yugto tungo sa kagulat-gulat na panalo.
Matagal nang nakitaan ng potensyal si Morada pero nawala siya noong nakaraang taon nang umuwi siya sa Davao para tumulong sa pag-aalaga sa may sakit na ina na si Lilanie.
Namayapa na ang ina at sa laro laban sa Knights ay ginunita ang isang taong anibersaryo ng kanyang pagkamatay.
“Itong laro na ito ay para sa kanya,” wika ni Morada na siyang ginarawan ng ACCEL Quantum 3XVI-NCAA Press Corps Player of the Week citation.
Dinaig niya ang kamador ng San Beda na si Arthur Dela Cruz na gumawa ng season-high 29 puntos bukod sa 9 assists, 6 rebounds at 4 steals para sa 88-69 tagumpay laban sa Jose Rizal University.