Ngayon na ang pagbabago ng oras ng Wowowin ni Willie Revillame. Pagkatapos ng paglulunsad sa bagong variety show ng GMA 7, ang Sunday PinaSaya, ay susunod na agad ang programa ng idolo ng ating mga kababayan.
Alas dos hanggang alas tres kinse na ang Wowowin na ayon mismo kay Willie ay mas pinasaya, mas pinabongga, mas lumaki ang mga papremyo at mas pinaganda.
Sabi ni Willie, “Masarap talagang magtrabaho kapag alam mong nandiyan ang mga kababayan natin. Mula nu’ng May 10 nang magsimula ang Wowowin, talagang hindi sila nagsawa sa pagsuporta.
“Mataas ang rating ng show, masaya kami palagi ng staff dahil sa pagpaparamdam nila ng pagmamahal. Hindi bumaba ang rating namin, na ibig sabihin, talagang mahal nila ang show,” masayang komento ng aktor-TV host.
Inaalagaan nang husto ng GMA 7 si Willie, malaya niyang nasasabi ang mga gusto niyang mangyari, palagi namang nakasuporta sa kanya ang network.
“Tatawag sa akin ang isang executive, ‘Halika, usap tayo para sa mga gusto mo. Basta kaya namin, walang problema.’ Saan ka makakakita ng mga ganu’ng boss? Nakikinig sila, umaaksiyon, masarap silang katrabaho,” papuri pa ni Willie sa mga ehekutibo ng Siyete.
Kaya mula ngayong Linggo nang hapon ay alas dos na mapapanood ang Wowowin, hinabaan na rin ang kanyang oras, may dagdag na kinse minutos ang programang itinuturing na gamot sa kalungkutan ng mga senior citizens.