Willie sa pagtakbo sa Eleksyon 2016: Pinag-aaralan ko pang mabuti ‘yan!

willie revilame

PINAG-IISAPANG mabuti at pinag-aaralan nang bonggang-bongga ni Willie Revillame ang pagsabak sa politika sa darating na 2016 elections.

Sa grand presscon kahapon para sa new season ng kanyang Sunday game show sa GMA 7, ang Wowowin, sinabi ng TV host-comedian na hindi raw biro ang pumasok sa magulong mundo ng politika kaya hindi siya agad-agad na makakapagdesisyon hinggil dito.

Ayon kay Willie, without dropping any names, may mga grupo raw na pumipilit sa kanya na tumakbo sa 2016. Hindi naman niya sinabi kung anong posisyon ang ino-offer sa kanya.

Pero aniya, masusi niya itong pinag-iisipan at ihahayag naman niya ang kanyang desisyon kung meron na siyang sagot sa issue.

Pero hirit pa ng komedyante, sa ngayon ay maligayang-maligaya na siya sa pagtulong sa ating mga kapuspalad na mga kababayan sa pamamagitan ng Wowowin.

At bukod dito, marami pang tinutulungan ang TV host na hindi naman niya ipinagsasabi. Kaya aniya, kahit naman daw wala siya sa politika ay nakakagawa siya ng kabutihan sa ating mga kababayan.

Tinanong din si Willie kung meron na ba siyang napiling presidential candidate na susuportahan sa 2016, “Wala pa naman. May mga kumakausap sa atin pero masyado pang maaga, di ba? Marami pang pwedeng mangyari.

Pero tulad nga ng lagi kong sinasabi, susuportahan ko kung sino ang sa tingin ko ang karapat-dapat na iluklok sa pwesto. Wala namang pwedeng magdikta sa atin, di ba? Ang kailangn lang nating gawin, kilalanin natin nang maigi ang bawat kandidato para makapili tayo ng tama.”

Samantala, sinagot din ni Willie ang mga tanong na bumabalot sa Wowowin, partikular na ang tsika na muntik na itong matsugi sa ere.

Inamin ni Willie na dahil nga sa timeslot nilang 3:30 p.m. ay hindi na ito pinapasok ng mga commercial at advertisers kaya nahihirapan silang i-maintain ang production value ng show.

Inamin nitong last Sunday ay talagang wala na silang pwedeng ipalabas pero dahil nga sa maayos na pag-uusap nila ng mga bossing ng GMA ay magpapatuloy pa rin sa ere ang Wowowin.

Sabi naman ng mga GMA executives, siniguro nila kay Willie na hindi nila pakakawalan ang TV host kaya gagawan nila ng paraan na hindi ito magbabu sa ere.

Inamin din ni Willie na malaki ang ibinigay na discount sa kanya ng GMA bilang blocktimer, kasali na nga riyan ang pagdagdag sa show niya ng 15 minuto nang libre.

Kaya naman todo ang pasasalamat ng TV host sa mga bossing ng Kapuso network dahil talagang sinuportahan siya sa kanyang mga adhikain.

Samantala, plano rin daw nina Willie na ikutin ang buong Pilipinas at maging ang iba’t ibang bahagi ng mundo para paligayahin ang mga Pinoy abroad.

Mapapanood na ang Wowowin tuwing Linggo sa bago nitong timeslot, 2 p.m. ka-back-to-back ng Sunday PinaSaya nina Marian Rivera, Ai Ai delas Alas, Wally Bayola, Jose Manalo, Julie Anne San Jose, Alden Richards at marami pang iba.

Sa presscon pa rin ng Wowowin, natanong si Willie kung ano pa ba ang kulang sa kanya, ngayong nasa kanya na halos ang lahat ng kayamanan – magagandang bahay, negosyo, eroplano, yate at kung anu-ano pang ari-arian.

Ayon kay Willie, sa ngayon ay wala na siyang mahihiling pa. Totoong halos lahat ng pinangarap niya ay nakamit na niya kaya naman ang nais na lang niyang gawin ngayon ay mag-share ng kanyag blessings at magpaligaya ng tao.

“Ito lang talaga ang gusto ko ngayon, ang magkaroon ng TV show, kasi ito ang tulay ko sa mga kababayan natin na naghahanap ng kaunting kaginhawahan sa buhay, ‘yung mga lola at lolo natin na napapasaya natin kahit paano.

Yun ang parang misyon ko ngayon kaya sana tumagal pa ang Wowowin,” ani Willie. Dagdag pa ng TV host, kahit na break-even lang siya sa programa at walang masyadong kita, basta magtagal lang ito sa ere. “Alam n’yo ba, wala akong sweldo rito? Wala akong talent fee sa Wowowin.

Kasi ang iniisip ko lang ay ‘yung makapagbigay ng trabaho at magsilbing inspirasyon sa marami.”
Kasabay nito, inamin din ni Willie na umabot sa P13 million ang nagastos niya sa pilot episode ng Wowowin at P12 million naman ang production cost araw-araw, “Ngayon nga umaabot na sa P15 million, ganu’n kalaki ang Wowowin.

Pero sabi ko nga, nagsimula naman ako sa wala, e. Hindi na mahalaga kung magkano ang nagagastos namin, basta makapagpasaya lang tayo.”

Sa Linggo, isang bonggang show na naman ang inihanda ng Wowowin, siyempre, nandiyan pa rin ang paborito n’yong “Bigyan Ng Jacket” segment, ang “Willie Of Fortune” at ang “The Wil To Win” kung saan may chance na manalo ang contestant ng P1 million, brand new car at house and lot.

Read more...