SA unang araw ng pagsasanay ng national pool sa basketball ay isang manlalaro ang kinailangang tanggalin bunga ng injury.
Ang beteranong 6-foot-7 Fil-Am forward na si Kelly Williams ay hindi na makakasama sa koponang inihahanda ni coach Tab Baldwin para sa 2015 FIBA Asia Men’s Championship sa Changsa, China nang siya ay nadulas habang nag-eensayo ang koponan sa Meralco gym noong Lunes.
Matapos ang isinagawang pagsusuri sa kanyang kanang tuhod, lumabas na nagkaroon siya ng MCL injury at kailangan siyang magpahinga ng hindi bababa sa anim na buwan.
“Kelly Williams out of Gilas 3.0 line-up due to MCL injury,” ayon sa kalatas ng Smart Gilas Basketball Facebook.
Ang pagkawala ni Williams ay nagresulta para maging 12 na lamang ang aktibong manlalaro na ipinagpaalam ni Baldwin sa PBA.
May 16 players ang hiningi sa PBA pero sina June Mar Fajardo, Marc Pingris at LA Tenorio na isinama sa talaan ay nagsabi na alanganin na sila na sumama pa sa koponan.
Sina Jayson Castro, Ranidel de Ocampo, Gary David, Gabe Norwood, Matt Ganuelas-Rosser, Asi Taulava, Terrence Romeo, Aldrech Ramos, JC Intal, Sonny Thoss, Dondon Hontiveros at Calvin Abueva na lamang ang naiwang malulusog na manlalaro.
Si Williams ay kinuha sa hangaring pagtibayin ang lakas sa ilalim na pangungunahan ni 6-foot-11 naturalized center Andray Blatche.
Ang nagretiro na si Jimmy Alapag ay nagbabalak na isuot uli ang uniporme ng Gilas para pagtibayin ang guard spot matapos ang pagtanggi ni Tenorio.
Ang 2015 FIBA Asia Championship na gagawin mula Setyembre 23 hanggang Oktubre 3 ay gagamitin bilang Olympic qualifier sa Asya pero ang tatanghaling kampeon lamang ang siyang aabante sa 2016 Rio Olympic Games.
Samantala, nagdesisyon na si Fajardo na hindi muna maglaro sa Gilas para ipahinga ang kanyang mga paa.
“Skip muna ako sa Gilas,” sabi ni Fajardo.
Napilitin si Fajardo na hindi maglaro para sa pambansang koponan bunga ng iniindang pananakit sa kanyang mga paa. Ang nasabing injury sa paa ay nakuha niya habang naglalaro sa nakalipas na PBA season. Kasalukuyan namang nagpapagaling ang San Miguel Beermen center sa Cebu.