Mga Laro Ngayon
(The Arena, San Juan)
2 p.m. JRU vs San Beda
4 p.m. Arellano vs Perpetual Help
Team Standings: Letran (7-0); San Beda (5-1); Perpetual Help (4-2); JRU (4-2); Arellano (4-2); Mapua (3-3); St. Benilde (2-5); EAC (1-5); Lyceum (1-6); San Sebastian (1-6)
DIDIKIT pa ang San Beda sa nangungunang Letran habang mag-uunahan ang Arellano University at University of Perpetual Help sa pagbangon mula sa pagkatalo sa 91st NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Sa ganap na alas-2 ng hapon magsisimula ang labanan sa pagitan ng Red Lions at Jose Rizal University Heavy Bombers bago palitan ng Chiefs at Altas dakong alas-4 ng hapon.
May 5-1 karta ang Red Lions at hanap nilang manatiling nagsosolo sa ikalawang puwesto kasunod ng walang talo na Letran (7-0).
Ang five-time defending champion San Beda ang number two sa pagpuntos sa liga sa ibinibigay na 90.5 puntos habang ang Jose Rizal University ang numero uno sa depensa sa ibinibigay na 64.33 puntos sa kalaban.
May 4-2 karta ang Heavy Bombers na tangan ang tatlong sunod na panalo na magsisilbing motibasyon para saluhan ang Red Lions sa ikalawang puwesto.
Si Arthur dela Cruz, na nagbibigay ng 20.7 puntos, 13.7 rebounds at 6.5 assists upang malagay sa top five sa tatlong departamentong nabanggit, ang siyang mangunguna uli para manatili sa inookupahang puwesto ang San Beda.
“Kailangan mag-step-up kaming mga veterans dahil kami ang inaasahang manguna sa team. Dapat na mapatunayan namin na karapat-dapat kami na nasa court,” wika ni Dela Cruz.
Aminado naman si JRU coach Vergel Meneses na ang laro laban sa San Beda ang susukat sa tunay na lakas ng kanyang koponan.
“This is a big test for us. Ang maganda lang, we are getting back to our old defense, and Tey (Bernabe Teodoro), has been playing big time for us. Alam ko ang kapasidad niya at sinasabi ko na siya ang lider ng team,” pahayag ni Meneses.
Mainitan din ang salpukan sa pagitan ng Chiefs at Altas na iiwas na malaglag sa pangatlong puwesto.
Galing ang Arellano sa 68-77 pagkatalo sa Letran habang ang Perpetual Help ay lumasap ng 83-81 kabiguan sa San Beda para sa ikalawang dikit na pagkatalo matapos ang 4-0 panimula.