SINABI ni Sen. Grace Poe na inaasahan niyang magsusulputan pa ang mga paninira sa kanya matapos namang ang tangkang pagsasampa ng petisyon na kumuwestiyon sa kanyang nationality.
“Ako’y humihingi ng pang-unawa sa ating mga kababayan, marami pa pong ganyan ang darating. Ikinalulungkot ko na hindi natanggap ngayon sapagkat ito sana’y pagkakataon na rin na mabigay ang aming panig at madepensahan ang aming sarili,” sarili ni Poe.
Ito’y matapos na tangkain ni Rizalito David na maghain ng petisyon laban kay Poe sa Senate Electoral Tribunal (SET), bagamat hindi siya natuloy dahil sa kawalan ng pambayad para sa filing fee.
“Wala naman po akong tinatago, umpisa pa lamang alam nyo ang aking pagkatao, alam nyo ako’y natagpuan, alam nyo kung sino ang nagpalaki sa akin, mga magulang ko. Alam nyong nakipagsapalaran sa ibang bansa at bumalik dito,” dagdag ni Poe.
Idinagdag ni Poe na tatlong taon na siya sa Senado at ngayon lamang inungkat ang isyu laban sa kanya.
Ayon kay Poe, kumbinsido siya na target ng paghahain ng petisyon ang kanyang posibleng pagtakbo sa 2016.
Tumanggi namang tukuyin ni Poe ang nasa likod ni David.
“Ayaw ko pong magbigay ng speculation dahil hindi naman po tama yun pero ano po ang intention ng mga taong gagawa nyan na hindi pa man ako nagpa-file ay mawala na ang aking interest?” aniya.
Kampante naman si Poe na kakatigan siya ng korte kaugnay ng kuwestiyon ng kanyang nationality.
“Ako po ay tiwala at nagdadasal na maging patas ang ating korte sapagkat sa tingin ko naman dun pa lang sa kaso ng tatay ko ay malinaw na ang dapat patunguhan ng kasong ito,” ayon pa kay Poe.