Pinay OFW nag-shoplift

GULAT na gulat ang isang hukom na duminig sa kaso ng isang OFW sa Hong Kong na “unlimited”pala at tipong “forever” ang suportang ibinibigay ng ating mga kababayan sa kanilang mga kapamilya sa Pilipinas.

Ito ang naging pahayag ng naturang judge matapos dinggin ang kaso ng isang 42-anyos na OFW Na Pinay na di nagbayad sa naukha nitong mga items sa isang grocery store. Nagulat daw kasi siya sa isang natanggap na text mula sa Pilipinas na nabuntis ang isa sa tatlong anak niyang babae.

Dahil sa nabasa, lumabas ng grocery ang OFW na bitbit ang isang bote ng alak at keso nang hindi nakapagbabayad sa kahera.

Natural na ireklamo siya ng tindahan hanggang sa nakarating pa nga ang kaso sa korte sa Hong Kong.

Nang tanungin ni Deputy Magistrate Stephani Tsui ng Kwun Tong ang OFW kung bakit labis niyang ikinabigla ang naturang balita at ikinalugmok nito ang hinggil sa pagbubuntis ng anak, sinabi ng Pinay na tanging siya lamang ‘anya ang sumusuporta sa mga anak nito na edad 22, 23 at 25 sa Pilipinas.

Ngunit hindi makapaniwala si Magistrate Tsui na ang ganong mga edad na anak ay umaasa pa rin sa mga magulang.

Halos 14 taon nang OFW si kabayan at bilang suporta ng kaniyang employer, dumalo ito sa naturang hearing upang patunayan ang katapatan ng kaniyang kasambahay at hindi ito isang magnanakaw.

Naniniwala siyang hindi naman nito sinadya ang naturang insidente.

Pinagmulta na lamang ang Pinay OFW ng halagang 1200 HK Dollars o halos katumbas sa P7,000.

Ngunit sa pagtatapos nang naturang pagdinig, may pahabol pang habilin si Magistrate Tsui na tigilan na ‘anya ng ating OFW ang pagpapadala ng suporta sa kaniyang mga anak dahil nasa hustong edad na ang mga ito.

Hindi na bago ang ganito sa mga Pinoy. Normal lang yan sa atin, Pinoy style nga ang tawag dun.

Mabuti nga at iyan lamang ang narinig ng judge. Hindi pa niya nalaman na pati ang mga anak at asawa ng mga anak ng OFW, ay sagot din nila. Kaya kahit mga lola na, nananatili pa rin sila sa Hong Kong.
Pati nga ang mga asawa nilang walang trabaho o di kaya ay mga kapatid at kapamilya ay nakaasa pa rin sa ating OFW.

Iyan ang nakalulungkot sa pamilya ng OFW. Tumatanda silang patuloy ang paghahanapbuhay sa ibayong dagat alang-alang sa pamilya. Hanggang sa kamatayan na nila ito kung minsan.

At tulad na lamang sa Hongkong, palibhasa’y pawang mga kababaihan natin ang nagtatrabaho doon, tuloy nasasabi ng maraming employer doon na marahil ‘anya mga tamad ang asawa ng ating mga OFW o kung hindi man, tinatakasan nila ang kalupitan ng kanilang mga mister, pagkagumon sa bisyo at lantarang pambababae.
Sa ika-18 taon na paglilingkod ng Bantay OCW Foundation, Inc. para sa ating mga OFW at mga kaanak nito, mas pinaigting na serbisyo pa ang hatid namin sa ating mga kababayan.

Matatagpuan na ang pangalawang tahanan ng inyong Bantay OCW sa 24H City Hotel sa 1406 Vito Cruz Extension, Balagtas St., Makati City.

Kung nais ninyo na sulit na accommodation, dito na kayo sa 24h, mag-log on sa www.hotel24h.com.ph.
Maraming salamat sa pamunuan ng FPD Global Integrated Services sa aming bagong tahanan.

Read more...