SINABI kahapon ni Vice President Jejomar Binay na pakitang tao lamang ang pagsusumite ni Interior Secretary Mar Roxas ng kanyang resignation letter matapos namang iendorso ni Pangulong Aquino bilang standard bearer ng Liberal Party (LP).
Idinagdag ni Binay na natatakot siyang gamitin ni Roxas ang kanyang posisyon para siya banatan kung hindi pa rin aalis sa kanyang puwesto.
“Nangangamba…Kasinungalingan ‘yon. Sabi nga namin, tell it to the marines. Maniniwala ka ba sa sinabi ni Pangulo na hindi niya gagamitin ang government resources? Walang naniniwala sa mga ganyang salita,” sabi ni Binay.
Nagbitiw si Roxas bagamat hindi tinanggap ni Aquino ang kanyang pagre-resign.
“Yan ang mga drama. Drama ‘yon. Para bang [noong] nag-resign si Secretary Abad. Wow. Ang sabi tatapusin ang dapat tapusin. Wala atang deadline ‘yon,” ayon pa kay Binay, matapos naman ang pahayag ni Pangulong Aquino na mananatili muna si roxas sa kanyang puwesto.
Kinontra rin ni Binay ang pahayag ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na limang taon siyang pumapalakpak sa administrasyon.
“Uulitin ko po ha? ‘Yong pong si Secretary Abad, maang-maangang magre-resign pero alam naman na hindi tatanggapin. Inanunsiyo ni Pangulong Aquino na hindi n’ya tinatanggap. Silang lahat ay nagpalakpakan. Hindi ako pumalakpak,” giit ni Binay.
“Basta’t mali, hindi ako pumapalakpak. ‘Pag tama, pumapalakpak po ako. Team player naman po ako,” giit ni Binay.