Mga Laro Ngayon
(The Arena, San Juan)
2 p.m. St. Benilde vs San Sebastian
4 p.m. Letran vs Lyceum
Team Standings: Letran (6-0); San Beda (5-1); Perpetual Help (4-2); Arellano (4-2); JRU (4-2); Mapua (3-3); San Sebastian (1-5); Lyceum (1-5); EAC (1-5); St. Benilde (1-5)
NASA pinakamagandang panimula sa huling dalawang taon ang Letran nang maipanalo ang naunang anim na laro.
Maganda man ang kinalulugaran ay hindi naman kontento pa si Letran coach Aldin Ayo sa nakikita sa mga alipores.
“Masasabi kong 50 percent pa lang ang laro na ito ng team. Nakakapuntos kami ng marami dahil sa aming transition defense, pero hindi pa maayos ang aming halfcourt game,” banggit ni Ayo.
Sasalang uli ang Knights sa aksyon laban sa Lyceum sa ikalawang laro dakong alas-4 at nais ng bagitong mentor na unti-unting gumanda ang kanilang halfcourt game.
“Habang nananalo kami ay tumataas din ang expectation sa amin. Kaya hindi kami puwedeng maging complacent,” dagdag ni Ayo.
Ang Lyceum ay may 1-5 karta at kasalo ang San Sebastian, College of St. Benilde at Emilio Aguinaldo College sa ikapito hanggang ikasampung puwesto.
Mauunang magtutuos ang Stags at Blazers sa ganap na alas-2 ng hapon at ang magwawagi ay kakalas sa pakikipagsosyo sa huling puwesto.
Ito na ang pinakamasamang panimula ng Pirates sapul nang sumali apat na taon na ang nakakalipas at ang bagay na ito ay nais wakasan ni Lyceum mentor Topex Robinson.
Umaasa si Robinson na hindi na mauulit ang nakitang masamang laro sa first half laban sa Mapua nang naiwanan sila ng 43 puntos bago nagsimulang magtrabaho sa second half. Kinapos pa rin ang Pirates para lasapin ang 109-95 pagkatalo.
“We hope to correct our mistakes in our last game. We have to show more energy right after the tipoff to be competitive against a strong team like Letran,” wika ni Robinson.