PNoy umaasa pa ring makukumbinsi si Poe na maging VP ni Roxas

Poe-Aquino

Poe-Aquino

SINABI ni Pangulong Aquino na umaasa pa rin siya na makumbinsi si Sen. Grace Poe na maging runningmate ni Interior Secretary Mar Roxas sa 2016 presidential elections.

“We are still hoping. We still want to have that very unified group that will preserve the coalition as much as possible that can ensure the victory of the agenda,” sabi ni Aquino Lunes sa isang ambush interview sa ika-111 anibersaryo ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Quezon City.

Idinagdag ni Aquino na bukod kay Poe, nais din niyang manatili sa koalisyon si Sen. Francis “Chiz” Escudero sa harap ng kanyang planong pagtakbo bilang bise presidente.

“Palagay namin na majority ay sang-ayon sa amin pero kapag naghati tayo nang naghati nang naghati, baka naman maging manipis na manipis ‘yung lamang at doon manganib lahat ng pinaghirapan natin,” ayon pa kay Aquino.

Nauna nang kinausap ni Aquino sina Poe at Escudero sa harap naman ng kanilang planong magtambal sa pampanguluhang eleksyon sa susunod na taon.

Samantala, sinabi ni Aquino na bukod kay Poe, marami pang ikinukonsidera ang LP para makatambal ni Roxas.

“Kung sino, palagay ko dapat si Sec. Mar ang magsabi niyan. And of course until matapos ‘yung filing ng ating mga kandidato ‘yung pagfi-file ng kanilang certificates of candidacy, wala pa tayong puwedeng pag-usapan na tapos,” ayon pa kay Aquino.

Kasabay nito, itinanggi ni Aquino na gagamitin ng LP ang pondo ng gobyerno para sa pangangampanya ni Roxas.

“Parang ano ‘yan e, even at this early, government funds will be used. So, ang tanong ko lang doon ‘yung: Have we ever done that?” sabi pa ni Aquino.

Kinontra rin ni Aquino ang mga pahayag na hindi siya dapat mangampanya sa 2016 elections.

“Pero ulitin ko lang parang ang dating kasi ‘nung tono nitong mga kritikong ito dapat huwag akong mangampanya. So, kapag Presidente ka ng Republika dapat wala ka ng opinyon? Tapos on the one hand, may e-endorso ka tapos ‘bahala ka na sa buhay mo.’ Parang napakamalamya naman yata ‘nung sinasabi natin na kailangan may magpatuloy,” sabi ni Aquino.

Read more...