NASUNOG ang isang pabrika ng tela sa Valenzuela mahigit dalawang buwan matapos namang masunog ang isang pabrika ng tsinelas sa naturang lungsod.
Sinabi ni F02 Noralyn Agudo na sumiklab ang sunog sa Larry’s Curtain Warehouse sa JP Juan st., sa Barangay Ugong ganap na alas-11:37 ng umaga at itinaas ang sunog sa Task Force Bravo ganap na alas-12:37 ng hapon.
Sa isang ulat ng Radyo Inquirer 990AM, sinabi ng kapitan ng barangay na nagsimula ang sunog mula sa isang nagwe-welding sa kalapit na pabrika.
Idinagdag ng local disaster risk reduction and management office na itinakbo sa kalapit na ospital ang katiwala ng pabrika matapos atakihin sa puso nang sumiklab ang sunog.
Matatandaang noong Mayo 13, nasunog ang Kentex footwear factory, na matatagpuan din sa Ugong, Valenzuela, kung saan mahigit 70 manggagawa ang nasawi.