Mar Roxas umiyak habang tinatanggap ang pag-eendorso ni PNoy

Mar-Roxas
NAPAIYAK kahapon si Interior and Local Government Secretary Mar Roxas habang tinatanggap ang pag-eendorso sa kanya ni Pangulong Aquino bilang standard bearer ng Liberal Party (LP) sa Club Filipino, Greenhills, San Juan.

“Ngayon, buong katapatan, buong-loob, at buong-paninindigan kong tinatanggap ang tawag ng Daang Matuwid. Tulad ng sinabi n’yo, simula pa lang ito. Laban pa rin tayo. Ako si Mar Roxas, tinatanggap ko ang hamon ng ating mga Boss: itutuloy, palalawakin, at ipaglalaban ang Daang Matuwid,” sabi ni Roxas sa kanyang acceptance speech.

Humingi rin ng paumanhin si Roxas matapos namang mapaiyak habang nagtatalumpati.

“Pasensya na po kayo, mababa talaga ang luha ko,” dagdag ni Roxas.

Idinagdag ni Roxas na napakalaking karangalan sa kanya na maituloy ang nasimulan ni Aquino sa Daang Matuwid.

“Sumusumpa ako ngayon: Hindi ko dudumihan ang pangalan nila. At lalong hindi ko dudumihan ang pangalan mo, na itinataya mo rin ngayon sa pag-endorso sa akin. Hindi-hindi ako lilihis sa Daang Matuwid. Ibubuhos ko ang lahat; wala akong ititira para sa sarili ko. I will leave everything on the floor para sa labang ito,” ayon pa kay Roxas.

Sinamahan si Roxas ng kanyang asawang at brodkaster na si Korina Sanchez.

Ganap na alas-10:45 ng umaga nang dumating si Aquino kung saan nag-usap muna sila ni Roxas bago sila lumabas para pormal na simulan ang palatuntunan.

Kapansin-pansin naman ang pagdalo ni Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr. na kilalang sumuporta kay Vice President Jejomar Binay noong 2010 eleksyon.

Read more...