MALAKI ang posibilidad na dudumugin ng bagong mukha ang pambansang koponan na ilalaban sa mga malalaking kompetisyon sa hinaharap.
Ito ay dahil sa pagpasok ng 26 mga bata at mahuhusay na atleta para isama sa bubuong bagong national pool ng Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa).
Ang mga batang manlalaro ay kuminang sa mga malalaking collegiate meet tulad ng NCAA at UAAP bukod pa sa mga manlalarong nagpasikat sa isinagawang lingguhang Weekly Relays.
Magkakaroon ng puwesto ang mga bagong atleta dahil nagsasagawa ngayon ng assessment ang Patafa sa ipinakita ng mga national athletes sa idinaos na Southeast Asian Games sa Singapore.
“Last Monday ay nag-meeting kami ng mga coaches para magtanggal ng mga dating atleta at magpasok ng bagong atleta. They recommended 26 new athletes na naka-hit o malapit sa bronze medal sa Singapore SEA Games,” wika ni Patafa secretary-general Reynato Unso.
Ang basehan naman sa pagtanggal ng lumang atleta ay ang kanilang edad, ang kakayahang manalo pa sa mga sasalihang malalaking kompetisyon at ang mga athletes na hindi nanalo ng medalya sa huling dalawang SEA Games.
“Policy ito ng PSC na kailangang sundin. Kung ilan ang tatanggalin ay nakadepende sa kanilang mga ipinakita sa huling mga laro. Gagawin naman ito ASAP para hindi naman masayang ang pera ng pamahalaan,” wika pa ni Unso.
Ang Patafa ay binibigyan ng 48 slots sa national pool at 12 coaches pero hihirit ang national sports association na madagdagan ito lalo na sa bilang ng mga manlalaro sa developmental pool para matiyak na may kapalit ang mga nagmemedalya pa pero may edad ng mga manlalaro.
Matapos ang screening sa atleta ay isusunod ng Patafa ang pagsala sa mga coaches.
Ginagawa ng Patafa ang aksyon na ito matapos ang pagkakaroon lamang ng limang gintong medalya sa SEA Games na mababa sa naunang sinabi na 8 hanggang 10 ginto.
Si Christopher Ulboc lamang ang full-blooded Filipino na nanalo ng ginto sa steeplechase habang ang apat na iba pang ginto ay hatid ng mga Fil-Ams na sina Eric Cray (400m hurdles at 100m), Kayla Richardson (100m) at Caleb Stuart (hammer throw).