Mga Laro Ngayon
(The Arena, San Juan)
12 n.n. San Sebastian vs EAC
2 p.m. Lyceum vs MIT
4 p.m. Letran vs Arellano
Team Standings: Letran (5-0); San Beda (5-1); Arellano (4-1); Perpetual Help (4-2); JRU (4-2); Mapua (2-3); San Sebastian (1-4); Lyceum (1-4); St. Benilde (1-5); EAC (0-5)
KAKAPITAN pa ng Letran College ang liderato sa 91st NCAA men’s basketball sa pagsukat sa isa pang mainit na koponan na Arellano University ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Dakong alas-4 ng hapon magaganap ang salpukan at ang Knights ay magtatangka na maisulong sa anim ang pagpapanalo habang ikalimang dikit naman ang gustong kunin ng Chiefs kung sila ang manalo.
Pagpupursigihan ng host Mapua na maitabla ang karta matapos ang anim na laro sa pagsukat sa Lyceum sa ikalawang laro sa ganap na alas-2 ng hapon.
“We’re just in a good position. But we haven’t proven anything yet, malayo pa,” wika ni Letran coach Aldin Ayo na naitala ang pinakamagandang panimula ng koponan kasunod ng 7-0 karta dalawang taon na ang nakakaraan.
Ang Knights ang ikalawang best defensive team sa liga sa ibinibigay na 68.40 puntos sa kalaban dahil sa walang kapagurang pressing defense bagay na siyang inginuso ni Chiefs coach Jerry Codiñera.
“Ang press nila ang talagang dapat naming paghandaan. We will make the adjustments, we will continue to be positive,” wika ni Codiñera.
Isa sa aabangan sa larong ito ay ang pagkikita ng dalawang mahuhusay na point guards na sina Mark Cruz at Jiovani Jalalon.
Si Cruz ay nakikitaan ng galing sa pagpuntos para mabuo ang triple-threat ng Knights na kinabibilanganan din nina Rey Nambatac at Kevin Racal.
Sa kabilang banda, ang Southeast Asian Games veteran na si Jalalon ay nakikitaan ng galing sa paghahanap sa libreng kasamahan para makatulong sa pagpuntos ang mga kakamping sina Michael Salado at Zach Nicholls.
Pero kung kailangan niyang umiskor ay gagawin din niya ito makatulong lang sa hanap na panalo ng koponang pumangalawa sa San Beda noong nakaraang season.
Maghaharap naman ang San Sebastian College at Emilio Aguinaldo College sa unang laro ganap na alas-12 ng tanghali.