Heart sa pagtakbo ni Chiz sa 2016: Hindi ko talaga alam, at ayokong makialam!

chiz escudera

SUPORTADO ni Heart Evangelista ang desisyon ng kanyang asawang si Sen. Chiz Escudero sa pagbibitiw nito bilang chairman ng Senate Committee on Finance at co-chairman ng Joined Congressional Oversight Committee on Public Expenditures.

Delicadeza ang naging rason ng senador sa naging hakbang nito. Ayaw daw kasi niyang maakusahan na ginagamit ang pera ng gobyerno sa plano niyang pagtakbo sa mas mataas na posisyon sa 2016 elections.

Nu’ng Martes ng gabi sa press launch ng bagong primetime series ni Heart sa GMA 7, ang Beautiful Strangers, kinunan ng reaksiyon ang aktres tungkol dito, “I think, yung sinabi niya is delicadeza, e, and he’s really like that.

Gusto niyang gawing tama ang mga bagay, and he felt that, that was the right thing to do. I will support him.” Pero nang tanungin kung ano ba talaga ang tatakbuhang posisyon ng asawa sa 2016, “Hindi ko alam… ayokong makialam! Hindi namin napag-uusapan.

I don’t know kung tatakbo siya o talagang ano ba talaga ang plano niya. “Pero pag natatanong ako at nandu’n siya, at napag-uusapan namin, it’s not about the position that you will have, it’s not about the name that comes with it. It’s the sacrifices that you have to make,” paliwanag ng Kapuso leading lady nang makorner ng entertainment media pagkatapos ng presscon.

Makakasama ni Heart sa Beautiful Strangers ang best friend na si Lovi Poe at ang boyfriend nitong si Rocco Nacino, Christopher de Leon, Dina Bonnevie, Benjamin Alves, Ayen Laurel, Emilio Garcia, Kier Legaspi, Lovely Rivero, Gab de Leon, Dyanin Cruz, Diane Medina, Mariel Pamintuan, Nar Cabico at Renz Valerio. Ito’y sa direksiyon ni Albert Langitan.

Mapapanood na ito sa GMA TeleBabad sa simula sa Aug. 10, pagkatapos ng Pari ‘Koy. Gagampanan ni Heart sa serye ang karakter ni Kristine bilang anak sa labas ni Boyet at girlfriend ni Rocco.

In fairness, pinayagan ni Lovi sina Heart at Rocco na magkaroon ng halikan sa Beautiful Strangers, ha! Ibig sabihin natikman na rin ni Heart ang lips ng dyowa ng kanyang BFF! Secured naman daw kasi si Lovi sa pagmamahal ni Rocco sa kanya.

Samantala, muling natanong si Heart kung kumusta naman ang pagiging politician’s wife, “More or less, it’s the same, pero I do admit I don’t want to meddle sa trabaho niya.

Kasi hindi na rin ako naniniwala or hindi na rin uso yung the usual umeepal yung asawa. “I’m sorry for the term, but that’s how it seems for me.

And, especially artista ako, ayaw naming bigyan yun ng kulay, and as much as possible ayokong makialam,” aniya pa.

Hirit pa ng aktres, “Suporta naman ako sa kanya. He’s very, very smart. Kahit dati pa, hindi ko pa siya nakikilala, talagang I look up to him.

“So, kung anuman ang mga desisyon niya, sigurado akong pinag-aralan niya ‘yon. Siguradong alam niya ang ginagawa niya. Sinusuportahan ko lang naman siya. I think that’s the way it should be.

“He is the man of the house and I should be confident about his decisions and I should trust that,” sey pa ni Heart.

Samantala, tumanggi na si Heart na magkomento tungkol sa posibleng pagtatambal ni Chiz at ng stepsister ng best friend niyang si Lovi na si Sen. Grace Poe.

Hayaan na lang daw na si Chiz ang magsalita about this. Marami kasing nanliligaw sa senadora para maging running mate nila sa nalalapit na eleksyon, pero siniguro ng kampo ni Grace na solid ang samahan nila ni Chiz.

Ilang beses nang sinabi ng anak nina FPJ at Susan Roces na kung tatakbo siyang pangulo sa 2016, mas gusto pa rin niyang makatambal si Chiz.

“Matagal na kaming magkasama ni Sen. Chiz. Noon pa mang tumakbo si FPJ, siya na ang pinagkatiwalaan ng aming pamilya,” ani ni Sen. Grace.

Maaalalang si Chiz ang spokesman ng Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino, ang partidong nag-field sa ama ni Grace na si FPJ bilang kandidato sa pagkapresidente noong 2004.

“Hindi naman kaila sa lahat na malapit ang aming pamilya kay Sen. Chiz. Noong 2004, siya ang kasa-kasama ng aking ama; noong 2013 naman ay kami ang magkasamang umikot sa Pilipinas.

Malaki ang naitulong niya sa amin noon pa man,” pahayag ni Grace.Naniniwala naman ang mister ni Heart na kung ano man ang maging desisyon ni Grace tungkol sa 2016, magiging matatag ito gaya ni FPJ.

Kakailanganin ng senadorang tibayan ang loob, aniya. Hindi pa man nag-aanunsyo ng kanyang plano para sa 2016 si Sen. Grace ay ginagawan na siya ng mga isyu tungkol sa kanyang residency at kakulangan ng political experience – mga isyu na hinarap din noon ni FPJ.

Ang pahayag ni Chiz tungkol dito, “Nang kandidato si FPJ 11 years ago, pinagtatanggol ko siya sa mga issues sa residency, citizenship, kawalan ng karanasan at pagiging mangmang daw.

Handa akong suportahan din ang kanyang anak.”

Read more...