Panique, Raterta nagkampeon sa 39th National Milo Marathon Metro Manila leg
BUMANGON sina Eric Paniqui at Luisa Raterta mula sa di magandang ipinakita noong nakaraang taon nang kilalanin bilang mga kampeon sa 39th National Milo Marathon Metro Manila elimination race kahapon sa Mall of Asia sa Pasay City.
Mas payat pero kondisyon ang pangangatawan ngayon ng national team member na si Paniqui at nagbunga ang kanyang pagsasanay sa Baguio City nang nakaremate siya sa huling dalawang kilometro sa 42.195-k karera upang daigin ang naunang lumamang na si Mario Maglinao.
“Halos dalawang kilos ang nawala sa timbang ko ngayon dahil isang oras sa umaga at isang oras sa hapon ang ensayo ko sa Baguio. Umaabot din sa 200 kilometro kada linggo ang kabuuang distansya na tinatakbo ko,” wika ng 32-anyos tubong Himamaylan City sa Negros Occidental na naorasan ng dalawang oras, 37 minuto at 44 segundo.
Ito na ang ikalawang Metro Manila title ni Paniqui matapos manguna rin noong 2013 at mahigit dalawang minuto pa ang agwat niya kay Maglinao na may bilis na 2:39:47 habang ang beteranong si Rene Desuyo ang pumangatlo sa 2:45:57 oras.
“Kontrolado ko ang karera kaya sa last 8K ay dahan-dahan pa ako. Sa pagpasok sa MOA ay nakikita ko na siya (Maglinao) at ako fresh na fresh pa at siya, noong dinaanan ko, ubos na,” dagdag pa ni Paniqui na hindi naman naabot ang best time sa marathon na 2:27 na ginawa noong 2011 sa Hong Kong.
Sinandalan naman ni Luisa Raterta ang malakas na pag-arangkada para iwanan ang mga katunggali tungo sa banderang-tapos na panalo sa kababaihan sa pinakamatandang footrace sa bansa na suportado ng Timex, Bayview Park Hotel, Manila Asics, Smart, Subaru, Hinsense at Salonpas.
“Hindi ako nakasali sa national finals noong nakaraang taon dahil nagka-trangkaso ako kasi ulan ng ulan. Kaya talagang gusto kong bumawi at talagang bawing-bawi ako ngayon,” wika ni Raterta, ang kampeon sa karera noong 2009 at 2013, at naorasan ng 3:10:36 tiyempo.
Ang tubong Davao na ngayon ay naninirahan sa Pasig na si Criselyn Jaro ang nalagay sa malayong pangalawang puwesto sa 3:25:03 habang si April Rose Diaz ang pumangatlo sa 3:34:02 tiyempo.
Halagang P50,000 ang premyong napanalunan nina Paniqui at Raterta bukod sa pagsungkit ng puwesto sa National Finals sa Disyembre 6 sa Angeles, Pampanga.
Nangako ang dalawa na paiigtingin pa ang kanilang pagsasanay sa hangaring makatikim din ng national title at makuha ang bonus na biyahe patungong Boston Marathon sa pakarerang ineendorso rin ng Department of Education, Philippine Olympic Committee at Philippine Sports Commission.
Dagdag-motibasyon pa ni Paniqui, runner-up kina Crecenciano Sabal at Eduardo Buenavista noong 2009 at 2012 national finals, ang hangaring maipakita na puwede pa siyang sandalan kung pagsali sa international tournaments ang pag-uusapan.
Isang bronze medalist sa marathon noong 2013 Myanmar Games, si Paniqui ay hindi nasama sa Singapore SEA Games dahil pumang-apat lamang noong 2014 finals.
Inanunsyo naman nina Milo Sports Marketing director Andrew Neri at race director Rio dela Cruz na umabot sa 34,305 ang runners na sumali. Sa 5k ang may pinakamalaking bilang na 25,890 habang ang 3K ay may 1,089, ang 10k ay may 2,962, ang 21k ay nasa 1,814 habang 2,550 ang tumakbo sa marathon.
Ang iba pang nanalo ay sina Gregg Vincent Osorio at Victorina Calma sa 21K, Eliud Eliud Kering at Jhanine Mansueto sa 10k, Kevin Capangcapangan at Feiza Jane Lenton sa 5k at Modrick Cuyom at Rayya Gwen Abellar sa 3K.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.