Mag-asawang Gladys at Christopher nagsalita na sa iskandalo sa INC
MARAMING local celebrities ang miyembro ng Inglesia ni Cristo. Simula nang pumutok ang iskandalo sa liderato ng INC dahil sa pagkakatiwalag sa ilang matataas na opisyal nito ay patuloy ang paglabas ng iba pang isyu tungkol sa nasabing relihiyon. Marami nang opisyal ng INC ang nagsalita tungkol sa kontrobersiyang kinasasangkutan ng kanilang lider na si Ka Eduardo Manalo, ang ina nitong si Ka Tenny Manalo, at mga kapatid, kabilang na si Ka Angel Manalo. Tinangka ng BANDERA na kunin ang pahayag ng ilang artistang kabilang sa Iglesia ni Cristo, ngunit hanggang ngayon, ni isa sa kanila ay ayaw magsalita. Marahil ay natatakot silang madamay pa sa isyu o maaaring ayaw na nilang palakihin pa ang kontrobersiya. Hanggang sa mabasa na nga namin ang Facebook post ng isang kilalang miyembro ng INC tungkol sa isyu, si Christopher Roxas, ang asawa ng magaling na aktres na si Gladys Reyes. Actually, si Gladys lang ang original member ng Iglesia, nagpa-convert lang si Christopher dahil aniya, mas nakilala niya ang Diyos sa INC. Narito ang mensahe ni Christopher na kanyang ipinost sa FB: “Sa mga nagtatanong at may komento about INC… ito po ang stand ko… “IGLESIA PO AKO NI CRISTO… Hinde po ako Iglesia ng kung sino man…Kung ano po ang sinasampalatayanan ko doctrina at laman ng Biblia, yun ang sinusunod ko. Ang Iglesia Ni Cristo ay banal ang tao po ay kanya-kanyang punas lamang po ng lamesa… “Bakit ako titingin sa tao siya ba ang Diyos ko… at higit sa lahat sa akin ba sisingilin yan kung sino ang may sala siya ang haharap pagdating ng takdang panahon… panu niyo hihiklatin sa puso ko ang naramdaman ko ng tawagin ako ni Cristo…!” Dahil dito, maraming kaibigan ng aktor sa Facebook ang nagpahayag ng paghanga sa kanya dahil sa kanyang paninindigan sa kanyang relihiyon. May nagkomento pa na ngayon nila napatunayan na matapang ang mister ni Gladys dahil siya yata ang unang artistang INC ang unang nagsalita tungkol sa isyu ng Iglesia Ni Cristo. Matapos magbigay ng reaksiyon si Christopher, ang asawa naman nitong si Gladys ang nag-post ng mensahe sa kanyang Instagram account. Anang aktres, “Ako’y Iglesia ni Cristo.. Dahil sa kaabalahan sa teyping ng serye, pagrerebyu ng mga materyal sa telebisyon at pelikula bilang isa sa lupon ng MTRCB, kabi-kabilang pulong bilang ‘executive producer’ para sa aking programa, pirmahan ng kontrata para sa isang makabuluhang programa sa telebisyon at higit sa lahat oras para sa asawa at aking tatlong mga anak, ay hindi ako nagkaron ng pagkakataong maglahad ng aking saloobin ukol sa maituturing na pinakamalaking pagsubok sa INC. “Sa aking mga katrabaho at ‘kaibigan’ sa tunay na kahulugan ng salitang yun, maging hindi ko personal na kakilala, na hindi ko naringgan ng sarkastikong komento, na hindi agad-agad nanghusga, di nagpadama ng pagiging insensitibo, bagkus nagpaabot ng pagmamalasakit, simpatya at respeto sa aming nararamdaman kulang ang salitang salamat!! Sa mga kapatid sa Iglesia, mas lalo tayong magpakatatag at pakahigpitan ang pagkapit sa doktrina at aral na tumimo sa ating puso, isip at kaluluwa. “Mas lalo natin pagtibayin ang pundasyon ng ating pananampalataya. Sa mga ganitong panahon, wag tayong manghina, wag tayo manlupaypay, hindi kahinaan ang pagluha, iiyak natin lahat sa ating Panginoong Dyos sa pamamagitan ng panalangin, ang lahat ng hapis at suliranin. Pakatandaan po natin sa Dyos tayo naglilingkod at hindi sa tao. Ako’y Iglesia ni Cristo.. mananatili at maninindigan!!”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.