LUMABAS ang magandang tambalan nina Charo Soriano at Gretchen Ho para itulak ng Petron XCS sa quarterfinals sa Group B sa pamamagitan ng 21-7, 21-9 panalo laban kina Aurora Tripoli at Rochet dela Paz ng Accel Quantum Plus B sa PLDT Home Ultera-Philippine SuperLiga Beach Volleyball Challenge Cup 2015 na handog pa ng Smart Live More kahapon sa Sands By The Bay sa Mall of Asia sa Pasay City.
Nakitaan ng magandang serve si Soriano at sila ni Ho ay nasilayan ng solidong depensa para sa 1-1 karta at samahan sa quarterfinals ang Cignal HD Spikers B na hindi natalo sa dalawang laro.
Ang Accel Quantum Plus B ay pahinga na sa 0-2 karta.
“Binasa namin ang mga mali namin from last week kaya naging maganda ang kilos namin sa court,” wika ni Ho.
Ang sister team na Petron Sprint 4T na binuo nina Alexa Micek at Fill Cayetano ay nanatiling buhay ang kampanya sa Group D nang kunin ang 22-20, 21-15 panalo kina Cha Cruz at Michelle Laborte ng Cignal HD Spikers A.
Sina Cruz at Laborte ay itinuring bilang isa sa patok na manalo sa ligang inorganisa ng Sports Core at suportado ng Accel, SM By The Bay at Maynilad ngunit namaalam na sa ikalawang sunod na pagkatalo.
Kinuha naman ng Foton Hurricane nina Bea Tan at Pau Soriano ang upuan sa quarterfinals sa Group D nang nakaba-ngon sila mula sa pagkatalo sa first set, 18-21, 21-18, 15-12, laban sa Gilligan’s na binuo nina Danica Gendrauli at Norie Jane Diaz.
May 2-0 ang Foton habang bumaba ang Gilligan’s sa 1-1 para makatabla ang Petron Sprint 4T. Ang huling dalawang koponan ay nakatandang magtuos kahapon ng hapon at ang mananalo ang uusad sa kompetisyon.
Ang mangungunang dalawang koponan sa apat na grupo ay papasok sa knockout quarterfinals sa darating na Sabado.