Mag-utol na Chiongbian wagi ng ginto sa Singapore

MAITATALA ang Singapore bilang lugar na nakita ang galing ng mga triathletes ng bansa.

Sinundan ng magkapatid na Chiongbian ang makasaysayang kampanya ng elite triathletes nang nanalo sila ng tig-isang ginto sa 2015 Singapore Triathlon kahapon sa East Coast Park, Singapore.

Pinawi ni Fredric Albert Yuan ang tansong medalya na pagtatapos sa kompetisyon noong nakaraang taon nang dominahin mula simula hanggang sa natapos ang 200m swim, 12km bike, 1.5km run sa 13-15 Youth Category sa 32 minuto at 51.63 segundo.

Hindi umubra ang hamon na hatid ni Aaron Kiss ng Australia para sa ikalawang puwesto (34:16.93) habang ang isa pang lahok ng bansa na si Ralph Eduard So ang umani ng bronze medal (35:40.78).

Dumaan sa mas mahirap na ruta si Justin dahil kinailangan niyang bumangon mula sa pangatlong puwesto sa swim leg para manalo sa 16-19 junior category (750m swim, 18km bike,5km run) sa 1:02:17 oras.

Halos 18 segundo ang hinabol ni Justin sa run para maisantabi ang hamon ng mga local bets na sina Bryce Chong at Zacharias Low na pumangalawa at pumangatlo sa 1:03:18 at 1:05:47 tiyempo.

Si Aaliyah Ricci Mataragnon ay may tansong medalya pa sa girls’ 14-15 Youth category sa 38:41.74 oras.
Ang mga batang triathletes na ito ay nakabase sa Cebu at ang paglahok ay inendorso ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP) sa pangunguna ng pangulo nito at POC chairman Tom Carrasco Jr.

Sumuporta naman ang Philippine Sports Commission (PSC) sa mga Chiongbian dahil mga kasapi sila ng national developmental team.

Matatandaan na winalis nina Nikko Huelgas at Claire Adorna ang mga ginto sa elite habang may pilak si Kim Mangrobang para sa makasaysayang kampanya ng mga triathletes sa Singapore SEA Games noong nakaraang buwan.

Read more...