HINIRITAN ng Bulacan ang Pasig ng 7-0 shutout panalo para tanghaling kampeon sa softball sa 2015 Batang Pinoy Luzon elimination kahapon sa Bulacan Sports Complex sa Malolos, Bulacan.
Nilimitahan ni 14-anyos pitcher Alma Tauli sa limang hits lamang ang mga katunggali habang kinapitalisa ng home team ang mga errors ng Pasig para sa kanilang unang apat na runs tungo sa panalo sa larong umabot lamang ng limang innings.
Bumanat ng run-double si Jovelyn Policarpio at nakasama sina Engel Rose Libaton at Alyssa Jean Alindogan na may tig-dalawang runs upang makuha ng Bulacan ang pangalawang kampeonato matapos mapagharian ang Philippine Series Little League Juniors division noong Mayo.
Ang tagumpay sa Philippine Series ang nagtalaga sa Bulacan para maging kinatawan ng Pilipinas sa World Junior Series sa Kirkland, Washington mula Agosto 2 hanggang 8.
“Ito ang unang pagkakataon na makakalaro sa junior world series ang Bulacan at maganda ang pagsali namin sa Batang Pinoy dahil nakakuha pa ng karanasan ang mga players. Ibang level ang world series and nobody is expecting us to win it, pero we will give our best,” wika ni coach Rico Gravador.
Itinanghal na kampeon sa baseball ang Muntinlupa habang winalis ng Sta. Rosa, Laguna ang dalawang titulo sa volleyball sa palarong inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) katuwang si Bulacan Governor Willie Sy-Alvarado.
Umalagwa ang Muntinlupa sa 9-0 matapos lamang ang ikatlong inning tungo sa 18-8 panalo sa Tanauan sa baseball finals.
Diniskartehan ni Alvin Mamuyac ang Sta. Rosa boys volleyball team tungo sa 25-13, 21-25, 25-23, panalo sa General Trias (Cavite), 25-13, 21-25, 25-23, habang ang girls team na diniskartehan ni Lerma Giron ay bumangon mula sa first set na pagkatalo para sa 16-25, 25-18, 25-20 tagumpay sa Bagbag, Quezon City.
Nagpatuloy naman ang paghakot ng ginto ng 12-anyos na si Alyza Paige Ng matapos manalo pa sa girls’ 12-under 200m breaststroke (3:15:61) at napabilang sa girls’ 15-under 200m freestyle relay team (2:02.97) para umabot na sa apat ang gintong napanalunan.
Ang host Malolos ay ibinabandera naman ni Raphael Henrico Santos na may dalawang napanalunang ginto na.