Mga Laro Ngayon
(The Arena, San Juan)
2 p.m. St. Benilde vs San Beda
4 p.m. Perpetual Help vs Letran
Team Standings: Perpetual (4-0); Letran (4-0); Arellano (3-1); San Beda (3-1); Jose Rizal (2-2); San Sebastian (1-3); Lyceum (1-3); Mapua (1-3); St. Benilde (1-3); Emilio Aguinaldo (0-4)
ISANG streak ang magwawakas matapos ang aksyon sa 91st NCAA men’s basketball ngayon.
Magkikita sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon ang Perpetual Help at Letran at tiyak na magiging maaksyon ang tagisan lalo pa’t liderato at makasaysayang panimula ang balak palawigin ng dalawang koponang ito.
Unang magtutuos ay ang San Beda at St. Benilde sa ganap na alas-2 ng hapon at nais ng five-time defending champion na maipakita na tunay na nakabangon na sila mula sa unang pagkatalo sa kamay ng Knights.
Galing ang Red Lions sa magarang 97-74 panalo sa Lyceum noong Martes at nangyari ito dahil sa pagtutulungan nina Arthur dela Cruz, Ola Adeogun, Pierre Tankoua, Dan Sara at Ryusei Koga.
Huling nanalo ang Altas noong Biyernes laban sa San Sebastian, 84-70, noong Biyernes matapos ang pangalawang triple-double ni Earl Scottie Thompson (21 puntos, 15 rebounds at 14 assists) at ang 20 puntos at 23 rebounds ni Bright Akhuetie.
Pero tiyak na ginamit ni Perpetual coach Aric del Rosario ang mga nagdaang araw para paghandaan ang matikas na Knights na kinuha rin ang ikaapat na sunod na panalo laban sa Stags gamit ang 92-86 come-from-behind panalo noong Martes.
“Kailangang mabawasan namin ang mga errors. Maganda ang inilalaro ng Letran at ang kailangan naming gawin ay ma-solve ang trap nila. Kung magawa namin ito, maganda ang chance na manalo,” wika ni Del Rosario na ang 4-0 start ay pinakamaganda sapul nang pumasok sa koponan apat na taon na ang nakalipas.
Sa kabilang banda, palawigin ang pinakamagandang panimula sa huling pitong taon ang nais ng Knights at aasa sila sa puso uli ng mga players para maisantabi ang palabang Altas.
Ang 5-foot-7 na si Mark Cruz ang siyang nagpakita ng pinakamalaking puso sa huling laro nang nagpakawala ito ng apat na triples at 13 puntos sa 29 na ginawa sa huling yugto para makabangon ang koponan mula sa 13 puntos pagkakalubog sa kaagahan ng ikatlong yugto.
Isang bagay na gagawin din ni Letran coach Aldin Ayo ay ang paigtingin ang depensa na tila nabasag ng Stags kaya’t napahirapan sila.