MAY bagong show na mapapanood sa ABS-CBN starting Monday, July 27, ito ang Ningning na siyang papalit sa Oh My G!. Bidang-bida rito ang 5-year old genius na si Jana Agoncillo na siyang gaganap na Ningning.
Naikuwento sa amin ni kafatid na Ms. Sylvia Sanchez who plays Ningning’s lola in this serye that this cute Jana is such a brilliant girl.
“She’s really gifted. Iba ang galing niya, first time akong nakatunghay ng isang 5-year old na bata na memorized pati lines namin.
May mga times kasi na kapag nagti-take na kami, once in a while ay nabablangko ka, nabubulol ka and you forget some of your lines.
At siya ang magpi-feed sa iyo ng dialogue mo dahil kabisado niya. Para siyang teleprompter on the side.
“Tsaka, sa murang edad niya, alam niya ang lengguwahe ng shooting o taping sa set, tatanungin niya minsan ang direktor kung ‘from the top po direk?’ or ‘Cure lang po ba?’ and many more.
Nakakatuwa ang bata, kakaiba ang husay niya sa pag-arte at sobrang ganda at amo ng mukha. Isa na namang future child superstar ang natuklasan ng ABS-CBN,” pagmamalaki ni Sylvia na habang tumatagal ay mas lalo pang humuhusay bilang aktres.
Napag-usapan namin sa “Mismo” program namin with Papa Ahwel Paz sa DZMM with Ms. Sylvia ang tungkol sa workshops.
Kasi napakaraming mga artista natin ngayon ang nakikitaan namin ng need to do more workshops para lalong humusay. Ang dami kasing mga banong aktor at aktres, di ba?
“Nag-try akong mag-workshop nu’ng baguhan pa lang ako. Siyempre, kailangan ko iyon kasi wala naman akong alam sa pag-arte before.
Pero that was the only time na pumasok ako sa isang workshop. “Meron man kaming ginagawang workshops sa ibang shows namin pero for bonding purposes lang kumbaga.
Para makilala naming mabuti ang makakasama namin sa program. Para magkaroon kami ng magandang rapport.
Kasi nga, personal ko lang ito ha, hindi ako komportable sa workshops dahil ang tendency niyan nagiging pare-pareho ang atake mo sa mga roles na ginagampanan mo.
Nagkakaroon ng pattern kumbaga. “Kaya kung napapansin ninyo, iba-iba ang bato ko sa bawat role na ginagampanan ko. Pagdating ko sa set, inaalis ko si Sylvia Sanchez sa sarili ko at pumapasok ako doon sa character ko.
That’s how I do it,” sabi ni Ms. Sylvia. Tama naman siya. Hindi naman kailangan ni Sylvia ng acting workshops dahil napakahusay niyang aktres.
Puwede na sa kaniya yung get-together lang with her co-actors before they start a show para maging mas komportable sila sa gagawin nilang aktingan.
“Isa pa, dapat ay hindi ka sumasapaw sa co-actor mo in a scene. Kahit gaano ka pa kagaling, you have to adjust a little. Hindi puwede yung ilalabas mo ang todo mo kung alanganin ang kapareha mo.
Hindi maganda kasing tingnan na sobrang galing ng tapon mo ng eksena samantalang ang kasama mo sa scene ay hindi sumabay sa iyo.
Ikaw ang magmumukhang engot doon. Dapat ay sasabayan mo siya. That’s how I see it,” dagdag pa niya.
Excited na kami sa Ningning.
Iba talaga pag ang palabas sa TV ay merong batang bida – malaki talaga ang chance na maging blockbuster ito.
Saan ba nanggaling si Zaijian Jaranilla and his likes? Di ba sa mga magagandang drama series din ng Dos? Magaling ang ABS-CBN sa ganitong uri ng palabas sa TV, nakuha nila ang pulso ng audience noon pa.
And Ningning has such a very beautiful story na talagang kagigiliwan mo – mapapanood ito before It’s Showtime starting this coming Monday, sa direksiyon ni Jeffrey Jeturian.