MARAMI talagang nagagawa ang social media. Kung hindi magiging maingat sa paggamit nito, tiyak na kapahamakan ang aabutin.
Mahigit isang taon nang magkarelasyon ang isang OFW na nasa Australia at ang 20-anyos nitong girlfriend na nasa Pilipinas. Nagkakilala lang sila sa Facebook.
Hindi pa personal na nagkikita ang dalawa, pero ginagastusan na ng OFW ang kanyang “virtual” girlfriend sa pag-aaral nito. Suportado sa lahat ng bagay, mula sa tuition hanggang sa daily allowance, dormitoryo, damit, sapatos, gamit sa eskwela at marami pang iba.
Sa murang edad na 20, hindi yata makayanan nang naturang girlfriend ang laki ng halagang nakukuha niya lalo pa’t hindi naman niya pinaghirapan ang perang kanyang ginagastos.
Ngunit sa halip na maging matinong girlfriend at magtapos sa pag-aaral katulad ng naisin ng kanyang boyfriend na OFW, hindi iyon ang kanyang ginawa. Niloko niya ang OFW. Nagpapadala siya ng pekeng school registration, mga resibo, at kung anu-ano pang mga pinagkakagastusan daw niya.
Hindi pa nakuntento ang girlfriend. Minsan itong tumawag sa boyfriend at sinabing siya ay naospital at kailangan niya ng perang pampa-gamot. Nag-imbento ng kung anong malalang sakit na dumapo raw sa kanya, at nagpadala pa ng picture na nasa ospital siya. Ang bulag sa pag-ibig na OFW, nagpauto naman sa batam-batang girlfriend.
Ilang linggo ang nakalipas at may bagong kwento na naman ang girlfriend ng OFW, na kesyo naaksidente siya at ninakawan pa, kaya kailangan na naman niya ng pera.
Sa puntong ito ay nagduda na ang OFW. Tanong niya sa sarili, bakit sunod-sunod naman ang mga nangyayaring iyon sa kanyang girlfriend?
Kaya’t walang pa-abiso, umuwi siya ng Pilipinas. Tumuloy ang OFW sa National Bureau of Investigation (NBI) at humingi ng tulong para masakote ang babae.
Huli sa akto ang girlfriend. Hindi naman pala ito naaksidente at wala naman sa hospital. Gawa-gawa lamang niya ang mga kuwentong sinasabi sa boyfriend na OFW.
Hindi naman pala siya nag-aaral. Puro peke ang mga dokumentong ipinadala sa hilaw na boyfriend.
Katwiran ng babae, tumigil siya ng pag-aaral dahil nabuntis siya, at ang perang ipinapadala sa kanya ay paghahanda sa panganganak.
Ngayon ay nagngingitngit sa galit ang OFW. Pero handa naman umano siyang magpatawad, isauli lamang ng babae ang lahat ng mga ipinadala at ginastos niya para rito, na malabo namang mangyari dahil walang trabaho ang babae bukod sa buntis pa ito.
Mahirap talagang makakita ng tunay na pag-ibig sa pamamagitan lang ng social media.
Marami ang manloloko rito at marami rin naman ang nagpapaloko. Kaya kung maghahanap lang din ng mamahalin ay siguraduhin na kilala ninyo ito ng lubusan, maging ang kanyang pamilya at maobserbahan kung paano sila makitungo sa kanilang mga mahal sa buhay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.