MUKHANG magiging interesante ang pulitika sa Maynila at San Juan sa darating na eleksyon.
Maugong ang mga balita na umaalis na kay Manila Mayor Joseph Estrada ang ilang pulitiko ng lungsod na sumusuporta sa kanya.
Ang tanong na lamang ay kung magsasama-sama ang mga ito upang talunin si Erap na nagsabi na muling tatakbo o magkakanya-kanya sila ng diskarte.
Ang tingin ng marami ay hindi magiging madali ang 2016 para sa reelection ni Estrada.
At hindi lang si Erap ang mayroong mabigat na laban. Sa kanyang pinanggalingan sa San Juan kung saan na- ging alkalde ng mahabang panahon bago siya naglipat-bahay sa Maynila ay magbabanggaan na rin ang kanyang mga kapamilya at ang mga Zamora na matagal na panahon na nilang naging kaalyado.
Nagsimula ang lahat nang magpulong noong Hunyo ang mga barangay kapitan ng San Juan at Estrada para planuhin ang 2016 elections.
Dito umano lumabas ang balita na muling tatakbo si Mayor Guia Gomez, ang nanay ni Sen. JV Ejercito, na tatakbong vice mayor ang anak ni Sen. Jinggoy Estrada na si Councilor Janella Estrada at ang misis niyang si Precy naman ay tatakbo sa pagkakongresista.
Ang makakabangga ng pamilya Estrada ay ang angkan ni House minority leader at San Juan Rep. Ronaldo Zamora.
Ang anak ni Zamora na si Francis ang kasalukuyang Vice Mayor.
Mukhang magiging maganda ang bakbakan sa Maynila at San Juan at ito ay ating aantabayanan.
Kung meron na sanang batas sa anti-political dynasty, malamang ay hindi magkakaganito.
Hindi pwedeng tumakbo ang ganito karaming magkakapamilya.
Parang ang pamilya rin ni Vice President Jejomar Binay na marami rin ang nasa puwesto at matagal ng naghahari sa Makati City na umaabot na sa 28 taon, mas mahaba pa kaysa sa Martial Law.
Kahit ang mga kakampi ni Binay ay nagulat sa sinabi nito na dapat ay one to sawa ang mga pulitiko sa kanilang puwesto.
At para magawa niya ito, kung siya ay mananalo, kailangan niya ng Charter change.
Malamang ay sinabi ito ni Binay para hikayatin ang mga pulitiko na siya ang suportahan.
Pero turn off ito sa mga botante. Ang iniisip ng marami baka masarapan ang mga Binay sa Malacanang at hindi na rin umalis gaya ng ginawa nila sa Makati.
Mukhang maging ang mga pari ay nagulat sa pamimigay ng rosaryo ni Binay na mayroong letrang ‘B’ sa gitna ng krus.
Kaya nagpalabas ng pahayag ang Catholic Bishops Conference of the Philippines na huwag gamitin ng mga pulitiko ang rosaryo sa pamumulitika.
Ang ibig sabihin kaya nito ay ipino-promote ni Binay ang Katoliko, eh papaano na ang Iglesia ni Cristo niyan?
Bukod sa rosaryo, namimigay na rin ang grupo ni VP ng kendi at cellphone na mayroong tatak na Binay.
Mukhang maniniwala na tuloy ako sa sinabi ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado na bag bag ang perang kinita ng mga Binay sa mga proyekto sa Makati.