ILANG araw nang stressed-out, pagod at busy ang isang political figure dahil sa kanyang big dream para sa 2016.
Kinumpirma ito ng isang beteranong senador na kilala rin bilang isang mahusay na political tactician.
Sa isang bonding moment kamakalawa ng gabi, kasama ang ating cricket, sinabi ni Mr. Senator na ilang beses siyang binisita ng pulitikong ito para hingin hindi lang ang kanyang suporta kundi pati na rin ang kanyang expertise sa pagpapatakbo ng kampanya.
Gusto ng political figure na ito na matiyak na makukuha niya ang pinapangarap na pwesto sa susunod na eleksyon.
Game na sana si Mr. Senator na tulungan si Politician pero may kapalit ito na isang mabigat na kundisyon, dapat ilaglag ni Politician ang kanyang napupusuang ka-tandem sa darating na halalan.
Sinabi ni Mr. Senator na masyadong marumi at puno ng pagpapanggap ang katauhan ng gustong maka-partner ng tinutukoy nating pulitiko.
Ikinumpara pa niya ito sa isang matandang pulitiko na noong araw ay nakilala sa mga katagang “so young yet so corrupt.”
Kung number 2 position ang target ng taong ito sa ngayon, sinabi ni Mr. Senator na tiyak na tatargetin din niya balang araw ang sinisipat na posisyon ng ating subject na politician.
Kapag nangyari ito, sinabi ni Mr. Senator na malamang ay bumalik sa political dark age ang ating bansa.
Balikan natin ang ating tinutukoy na politician, sinabi ni Mr. Senator na malakas ang loob ng ating subject na pulitiko dahil nangako na ng suporta sa kanya ang ilang mga malalaking negosyante sa bansa.
Makaraang durugin ng administrasyon ang dating nangunguna sa mga surveys na presidential wannabe ay biglang nag-shift ng suporta ang mga negosyante dahil dehado na sa eleksyon ang kanilang early favorite.
Pero imbes na sa kapartido ng pangulo ibigay ang suporta, kanilang ibinaling ang tulong sa ating pinag-uusapang pulitiko.
Inamin din ni Mr. Senator na mas gusto niyang maka-tandem ni Politician ang isang barakong opisyal mula sa Mindanao dahil sa clean record nito. Ang busy pero excited na pulitiko na ating pinag-uusapan na naghahanda na para sa 2016 ay si LPG….as in Lahing Panday Guaranteed.
Ang preferred partner ni LPG na tinutukoy ni Mr. Senator na walang kwentang pukitiko ay si E.F….Egg Face.
Ang senador at political tactician na pinagmulan ang revelation na ito ay si Sen. O.S…as in Operating System.