Huling SONA ni PNoy tinipid ng Kamara

PNoy

PNoy


Tinipid ng Kamara de Representantes ang huling State of the Nation Address ni Pangulong Aquino sa Lunes.
Ayon kay House Secretary General Marilyn Barua-Yap kung noong 2014 ay gumastos ang Kamara ng P2.3 milyon hindi sila lalagpas dito ngayon.
Nagawa umano nila ito sa pamamagitan ng paghingi ng tulong sa mga ahensya ng gobyerno na siyang naglinis sa Kamara, nagbigay ng tanim at pagpipintura at pag-aayos ng mga sira ng gusali.
Ang malaking bahagi umano ng budget ay gagastusin sa pagkain ng mga guest na umaabot sa P700 kada ulo.
Sinabi ni Yap na walang maibibigay na talent fee ang Kamara para sa pagkanta ng Asia’ Got Talent finalist na si Gwyneth Dorado pero binigyan nila ito ng P3,000 na pambili ng damit niya para sa pagkanta ng Lupang Hinirang bago ang talumpati ni Aquino.
Nilalakad pa umano ni Yap na mabigyan si Dorado ng P10,000 token at kung hindi ito maibibigay ay hihingi na lamang siya kay ‘ninong’ Speaker Sonny Belmonte Jr.
Inaasahan na mapupuno ang plenaryo sa Lunes. Umaabot sa 2,750 ang tao na maaaring makaupo sa loob. Ang mga hindi makakapasok ay maaari namang manood sa mga screen sa labas ng session hall.
Limang-libong pulis, sundalo, presidential security guard, at blue guards ang magbibigay ng seguridad sa Batasan Complex.
Magpapatupad naman ng 1-kilometer radius no fly zone sa Batasan simula ala-1 ng hapon.

Read more...