PH Davis Cuppers yuko sa Taiwan

HINDI kinaya ni Fil-Am Ruben Gonzales ang galing ni world No. 61 Lu Yen Hsun para lasapin ang 2-6, 2-6, 4-6 pagkatalo at mabigo ang Pilipinas kontra sa Chinese Taipei sa Davis Cup Asia-Oceania Zone Group II semifinals na ginanap sa Taiwan.

Ang mga laro ay naunang isinagawa sa Kaohsiung Yangming Tennis Center sa Kaohsiung City pero kinailangang ilipat ito sa Tainan para sa dalawang reversed singles noong Linggo dahil sa masamang panahon.

Hindi gamay ang palaruan at pagod pa sa biyahe kaya’t masama ang naging laro ni Gonzales at agad itong kinapitalisa ni Lu tungo sa straight sets panalo.

Hindi na nilaro pa ang second reversed singles para angkinin ng Taipei ang 3-1 panalo at makuha ang karapatan na umabante sa finals at makaharap ang Pakistan para madetermina kung sino ang mapo-promote sa Group I sa 2016.

Ang Pilipinas ay mananatili sa Group II sa susunod na taon.

Nakauna ang host sa 2-0 kalamangan dahil natalo sina Jason Patrombon at Patrick John Tierro kina Hung Jui Chen at Lu noong Biyernes sa magkatulad na 2-6, 2-6, 1-6 na iskor.

Binigyan pa ng buhay ng mga Fil-Ams na si Gonzales at Treat Huey ang kampanya ng bansa nang talunin sina Lee Hsin Han at Peng Hsien Yin sa doubles, 2-6, 7-6(4), 7-6(2), pero nadiskaril ang plano na maagaw ang panalo dahil sa masamang panahon.

Read more...