PINAGHATIAN ng mga manlalangoy mula Quezon City at Manila ang unang apat na events sa pagsisimula ng swimming competition sa 2015 Batang Pinoy Luzon elimination kahapon sa Bulacan Sports Complex sa Malolos, Bulacan.
Ang 12-anyos na si Miguel Barreto ang siyang itinalaga bilang kauna-unahang gold medalist sa tatlong araw na pool event nang pangunahan ang boys 12-under 400m freestyle sa 5:01.91. Nakababatang kapatid siya ng multi-titled na si Rafael at tinalo niya ang pambato ng Malolos na si Raphael Henrico Santos (5:02:29) at John Byron Abastillas ng Lucena (5:14.83).
Si Patrick Galvez ang siyang nagdomina sa 13-15 bracket para sa QC sa 4:31.01.
Ang mga tankers ng Big City ang nanguna sa girls division at ang 14-anyos at Palarong Pambansa record holder sa 12-under 200m freestyle na si Imee Joyce Saavedra ang nagdomina sa 13-15 division sa 4:54.18. Si Gianna Garcia ang nagreyna sa 12-under sa 5:04.98 bilis.
Ayon kay technical director Domingo Seth Botalon, umabot na sa 727 ang tankers na sumali para tabunan ang dating record na 600 sa Pagadian City sa 2014 Batang Pinoy Mindanao leg.
“Kaya umaabot halos ng 17 heats ang isang event at ang estimated time na matatapos bawat araw ay mga 7 o 8 ng gabi,” wika ni Botalon.
Sa iba pang mga resulta ng laro sa limang araw na multi-sports event na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) at suportado ni Bulacan Governor Willy Sy-Alvarado, tinanghal na kampeon ang Sta. Rosa, Laguna at Pangasinan sa boys at girls3-on-3 basketball habang ang Angono, Rizal ang namayagpag sa weightlifting.
Tinalo ng Sta. Rosa ang Quezon City, 16-15, habang namayagpag ang lady dribblers ng nagdedepensang kampeon na Pangasinan ang Marivelles, 15-10, na ginawa sa Provincial Capitol Gym.