SEMIRARA ISLAND, Antique — Anim katao ang nasugatan nang mabasag ang pintuang salamin ng shopping mall sa Antique matapos magtulakan ang mga fans para makapanood ng show ng aktres na si Maja Salvador.
Nagtamo ng mga minor na sugat ang mga biktima na dinala sa ospital ng mga emergency personnel ng Robinsons Place sa Antique sa capital town ng San Jose, ayon kay Supt. Norby Escobar, hepe ng San Jose police station.
Ang mga nasugatan, ayon kay Escobar, ay kasama sa 3,000 fans at mall goers na nanood sa activity area ng mall, na binuksan lamang nitong Hulyo 15.
Isinara ang mga glass door ng mall ng mga security guard dahil puno na ang activity area.
Alas 12:42 ng tanghali nang buksan ng isang guard ang isang side ng pinto para mapapasok ang isang matandang babae dahil naiipit na ito, ngunit sinamantala ito ng ilang fans dahilan para magka-stampede.