Bob Arum binatikos si Pacquiao matapos hindi siputin ang rehab

arum
BINATIKOS ng beteranong boxing promoter na si Bob Arum ang na-injured na si pambansang kamao Manny Pacquiao matapos mabigong siputin ang kanyang doktor para sa nauna nang itinakdang rehabilitasyon.
Idinagdag ni Arum na wala siyang ideya kung kailan makakabalik sa ring si Pacquiao.

Nagpakita ng galit kay Pacquiao si Arum matapos makapanayam nang manood ng laban sa Macau noong Sabado ng gabi.

“As far as I’m concerned he’s not an active fighter. Pacquiao had not been acting very professionally,” sabi ni Arum.
Sumailalim si Pacquiao sa operasyon noong Mayo 7 matapos ma-injured ang kanyang balikat sa kanilang laban ni Floyd Mayweather.
Kinumpirma ni Arum na kinansela ni Pacquiao ang kanyang nakatakdang checkup sa surgeon na si Neal ElAttrache sa Kerlan-Jobe Orthopaedic Clinic sa Los Angeles noong Hulyo 4.

“Pacquiao was supposed to come over to see the doctor and for some reason he decided to cancel it,” dagdag ni Arum.

Idinagdag ni Arum na mas pinili pa ni Pacquiao na magbiyahe sa Indonesia para sa isang ad at kung saan niya binisita ang nasa death row na si Mary Jane Veloso. AFP

Read more...