USAP-USAPAN ngayon sa Malacanang na dahil sa galit ni Pangulong Aquino, hindi na niya pinagkakausap si Environment Secretary Ramon Paje matapos namang payagang maitapon ang mga basura na galing sa Canada
Hindi ba naman kasi malaking sampal kay PNoy na sa dami ng probinsiya, talagang sa Capas, Tarlac pa itinapon ang tinatayang 29 na container na naglalaman ng mga basura ng Canada
Ang mga itinapon sa probinsiya ni Pangulong Aquino ay parte ng 50 container na basura mula sa Canada na iligal na naipasok sa bansa at iniwang nabubulok sa Port of Manila simula pa noong Hunyo 2013.
Malaking katanungan na nga kung bakit pinayagan ng Bureau of Customs (BOC) at Department of Foreign Affairs (DFA) na maipasok sa bansa ang basura ng Canada.
Hindi kaila na problema na nga ang basura sa Pilipinas at hindi talaga katanggap-tanggap na payagan pang gawin tayong tapunan ng basura ng ibang bansa.
At dahil nga pinayagan na itapon ang mga basura ng Canada sa Tarlac, umuusok sa galit si PNoy kay Paje.
Nagtuturuan ngayon ang mga opisyal ng gobyerno kung sino ang nagbigay ng go signal na gawing tapunan ng basura ng Canada ang Capas, Tarlac.
Siyempre kahit ordinaryong mamamayan, alam na ang pangunahing ahensiya na may hurisdiksyon sa mga basura ng bansa ay ang Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Hindi kasi maaaring mag-operate ng dumpsite kung walang permit at iba pang kaukulang sertipikasyon mula sa DENR.
Sa ilalim kasi ng batas, hindi maaaring basta-basta makakapagtambak ng basura sa isang lugar.
At sa parte naman ng isang lokal na pamahalaan, hindi ito agad-agad na pumapayag na maging tapunan ng basura ang kanilang lugar.
Hindi ba nga kaya nahihirapan na magtayo ng landfill sa bansa ay dahil sa posisyon ng maraming lgus na “not in my backyard.” Sino ba naman ang gustong maging tapunan ng basura ang kanilang lugar? Bukod sa bahong dulot nito kapag hindi maayos ang operasyon nito, iba’t-ibang sakit ang maidudulot nito sa mga tao, bukod pa sa masamang epekto nito sa katubigan.
At sa nangyaring pagpasok ng basura ng Canada sa Tarlac, napakalaking sampal nito kay PNoy.
Kayat hindi nito napigilang makipaglastikan kay Paje, kayat ang ending, hindi na lang niya ito kinakausap sa sobrang galit.
Kilalang malakas ang backer ni Paje kayat kahit pa napakatagal bago ito nakakuha ng confirmation sa Commission on Appointments (CA), napilitan pa rin si Aquino na panatiliin siya sa DENR.
Hindi kataka-takang nagkukumahog ngayon si Paje para atasan ang kanyang mga tauhan sa DENR para sa agarang pag-aksyon para maialis ang basura sa Capas, Tarlac,
Hindi rin maikakaila na sa pagbisita ni PNoy kamakailan sa Canada, maging siya ay nabigong ipaabot ng personal ang isyu sa naturang bansa.
Plano na rin ng Senado na imbestigahan kung bakit pinayagang makapasok ang basura ng Canada sa bansa at sana hindi mauwi sa wala ang gagawing aksyon ng Kongreso at papanagutin ang nasa likod ng kapalpakang ito.
Dapat ay kasuhan ang importer ng mga basurang ito, gayundin ang mga opisyal na nagpabaya kayat nangyari ang kapalpakang ito.