WALANG pipiliin ang San Miguel Beer sa first at second rounds ng 2015 PBA Rookie Draft na magaganap sa Robinsons Place Manila sa Agosto 23.
Naipamigay na ng Beermen ang tenth pick overall sa NLEX at ang 10th pick sa second round sa Barako Bull. Kung sakali ay sa third round pa puwedeng mamili ang Beermen.
Bale 34th pick overall pa iyon kaya malamang sa hindi na rin ito gamitin ni coach Leovino Austria. Wala nang magandang materyales na natitira sa puntong iyon, e.
Kung tutuusin naman ay hindi na siguro kailangan ng San Miguel Beer na magpalakas. Ito na kasi ang pinakadominanteng koponan sa kasalukuyan.
Ang pagiging kampeon sa Philippine Cup ay patunay na malakas ang local lineup nito at hindi pa kailangang kalantariin ni Austria.
Heto nga at sa oras na isinusulat to ay baka napanalunan na ng San Miguel Beer ang ikalawang kampeonato sa season.
Kapag sinuring maigi ang lineup ni Austria, aba’y wala na siyang hahanapin pa. Nasa kanyang roster ang pinakadominanteng big man ng liga sa katauhan ni June Mar Fajardo na malamang na nagwagi ng kanyang ikalawang sunod na Most Valuable Player award kagabi.
Katunayan, nasa poder ng Beermen ang isa pang MVP na si Arwind Santos na siyang pinarangalan noong 2013.
Dalawang matinding point guards ang nagsasalitan upang magtimon sa SMB sa katauhan nina Alex Cabagnot at Chris Ross.
May dalawa silang matitinding shooters kina Marcio Lassiter at Chris Lutz na pawang mga miyembro ng original Gilas team.
Idagdag pa riyan ang mga beteranong sina Ronald Tubid at Nelbert Omolon na puwede pa namang pakinabangan kung gagamitin.
Hindi naman nag-iisa si Fajardo sa gitna dahil marami itong katuwang sa katauhan nina Gabby Espinas, Jay-R Reyes at Yancy de Ocampo.
Sa tatlong ito, si Espinas nga lang ang medyo mabibigyan ng mahabang playing time matapos na makuha buhat sa Globalport.
Katiting lang ang exposure ni Reyes na nanggaling sa Barangay Ginebra. At hindi magagamit si de Ocampo na dating manlalaro ng Star Hotshots at napunta rin sa Globalport.
Dalawang rookies ang pinapirma ng Beermen para sa 40th season at ito ay sina Ronald Pascual at David Semerad. Si Pascual ay nagamit noong Philippine Cup subalit nabangko na.
Si Semerad ay paminsan-minsang ginagamit kapag kailangan nila ng depensa. Kaya naman wala na rin namang hahanapin pa si Austria sa susunod na Draft.
Pero siyempre, kahit paano ay kaiinggitan niya ang mga ibang koponang makakapagpabata ng lineup at nakakapaghanda para sa mga susunod na seasons.
Ang maganda nito ay hindi pa naman handa ang Beermen na isuko ang paghahari, e. Matagal pang mamamayagpag ang San Miguel Beer.
At makakagawa rin sila ng sarili nilang build-up baka sa 2016 o 2017 Draft.