Mga Laro Ngayon
(Sands SM By The Bay)
1 p.m. Amy’s vs Accel Quantum Plus-A
2:30 p.m. Cignal-A vs Giligan’s
3:20 p.m. Petron Sprint 4T vs Foton Hurricanes
4 p.m. Beneco vs Foton Tornadoes
4:40 p.m. Cignal-B vs Petron XCS
5:30 p.m. Accel Quantum Plus-A vs Philips Gold
6:20 p.m. Meralco vs Beneco
7 p.m. Accel Quantum Plus-B vs Cignal-B
MAGKAKAROON ng pagkakataon ang Cignal B, Benguet Electric Cooperative (BENECO) at Accel Quantum Plus-A na makapagtala ng dalawang panalo sa pagsalang sa isang doubleheader sa pagsisimula ngayon ng PLDT Home Ultera-Philippine SuperLiga Beach Volleyball Challenge Cup 2015 na handog pa ng Smart Live More.
Ang Sands By The Bay sa SM Mall of Asia ang siyang pagdarausan ng aksyon at ang Cignal B ay binubuo nina Wensh Tiu at April Ross Hingpit at una nilang katunggali ay ang Petron XCS na kinakatawan nina Charo Soriano at Gretchen Ho sa ganap na alas-4:40 ng hapon bago sukatin sina Evangeline Pastor at Kim Ygay ng Accel Quantum A Plus dakong alas-7 ng gabi.
Sina Cindy Benitez at Florence May Madulid ng BENECO ay sasalang muna laban sa Foton Tornadoes nina Fiola Ceballos at Patty Orendain sa ganap na alas-4 pm. Ikalawang laro ng Beneco ay laban sa Meralco nina Jem Guttierez at Jusabelle Brillo dakong alas-6:20 ng gabi.
Unang panalo sa ligang inorganisa ng SportsCore at mapapanood sa TV5 ay sa hanay ng Accel Quantum Plus-A at Amy’s na binubuo nina Samantha Dawson at Len Cortel sa ganap na ala-1 ng hapon. Walong laro sa kababaihan at anim sa kalalakihan na gagawin mula alas-8 ng umaga ang magbibigay sigla sa pagsisimula ng pool elimination.
“Ang format ng liga ay tiyak na magiging kapanapanabik sa mga manonood,” wika ni PSL president Ramon “Tats” Suzara.
Tampok na laro na tiyak na sisipatin nang husto ay ang pagsalang nina Cha Cruz at Michelle Laborte ng Cignal A laban sa Gilligan’s na binubuo nina Danika Gendrauli at Norie Diaz.