UMANGAL na ang kampo ni Vice President Jejomar Binay. Natatakot na umano ang kanilang mga campaign donor na tumulong dahil baka balikan sila ng administrasyon.
Ginigipit umano ang mga sumusuporta kay Binay kaya natatakot ang mga negosyante na magpakita na sinusuportahan nila ang VP na nagdeklara nang tatakbo sa 2016 presidential el ections.
Sa madaling salita, nagtatago ang mga tutulong kay Binay.
Hindi naman siguro maitatago ang mga nais na magbigay ng donasyon. Dapat kasing magsumite ng listahan ng campaign donor ang mga kandidato sa Commission on Elections.
Ang mga kumandidato ay kailangang maghain ng Statement of Contributions and Expenditures isang buwan matapos ang araw ng halalan.
Kung nagtatago man ngayon ang mga tumutulong kay Binay lalabas din ang kanilang pangalan. Kaya hindi rin sila ligtas kung hindi si Binay ang mananalo.
Pero wala namang dapat na ikatakot ang mga donor ni Binay kung naniniwala sila na ito ang mananalo sa eleksyon, di ba?
Hindi naman siguro gigibain ni Binay ang mga tumulong sa kanya?
Iba naman ang duda ng mga miron. Baka daw ayaw na talagang magbigay kay Binay kasi palubog na ang bangka nito.
Naniniwala sila na mahihirapan nang umahon ang rating ni Binay matapos itong bumaba sa survey na ginawa ng Social Weather Station at Pulse Asia.
Kung magkakatotoo ito ay baka mas lalong dumami ang kakalas kay Binay. Hindi sila papayag na lumubog kasama nito.
Kaya hinihintay ng lahat ang magiging resulta ng susunod na survey na inaasahang lalabas bago ang deadline ng paghahain ng certificate of candidacy sa Oktubre.
Ito ang gagamiting batayan ng ilan bago magdesisyon kung tatakbo o hindi, at kung sino ang susuportahan.
Ayon sa kampo ni Binay, may mga ikinukonsidera silang running mate ni VP. Hindi umano tatakbo si Binay na walang running mate.
At hindi umano poproblemahin ng magiging running mate nito ang pagpapaliwanag sa mga anomalyang kinasangkutan ni Binay.
Si Binay umano ang magpapaliwanag ng mga ito. Pero hindi siya sa Senado magpapaliwanag. Saan kaya?
Marami ang nais na makinig sa kanyang paliwanag kung bakit hindi dapat ituring na overpriced ang Makati City Hall parking building at gusali ng Science High School gayundin ang mga gamit sa ospital.
Bukod sa running mate, marami rin ang nais na makibalita kung sino ang magiging senatorial candidate ng United Nationalist Alliance.
Siguradong maghihilahan ng kandidato ang administrasyon at oposisyon.
At hindi malayong maulit ang nangyari noong 2013 senatorial elections kung saan ang inaakalang mga kandidato ni Binay ay nasa kabila pala.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.